Pagala, Saludar umiskor ng impresibong panalo sa Smart-ABAP National Open

PUERTO PRINCESA CITY, Philippines - Nagposte ng matunog na pa­nalo sina Albert Pagala ng Misamis Oriental at Victorio Saludar ng Davao del Norte sa pagpapatuloy na pagniningning ng mga pambato ng Mindanao sa 2010 Smart-Abap National Amateur Boxing Championship noong Martes ng gabi sa Puerto Princesa coliseum dito.

Pumasok sa semis si Pagala, ang 17 anyos na kapa­tid ng reigning Orient Pacific Boxing Federation champion Anthony Pagala nang pigilan nito si Harmon Jay Valedo ng Ba­guio City sa second round ng kanilang junior boys flyweight showdown.

Ang kanyang tagumpay ay nagdala sa lima sa pitong bo­xers sa semis ng prestihiyosong limang araw na kompetisyon na naglalayong makadiskubre ng potential talents na lalahok sa 2010 Singapore Youth Olympics sa Agosto.

“Araw-araw akong nage-ensayo dahil gusto ko talagang makalaro sa Olympics,” wika ng mahiyaing si Pagala.

Bukod kay Pagala, puma­sok rin sa semis para sa Misa­mis Oriental sina Ronald Abid, Raymund Jhon Tabugon, Rafael Jalnaiz at ang kanyang na­kakatandang kapatid na si, Ro­bert Miguel.

Pinatigil ni Abid si Angelo Ilagan ng Tayabas City sa se­cond round ng kanilang labanan sa youth boy’s light flyweight, ha­bang umiskor naman si Ta­bugon ng kumbinsidong 26-16 panalo laban kay Gedion Cordova ng Bago City sa youth boys’ flyweight action.

Niyanig ni Rafael Jalnaiz ang Mindanao leg champion na si Robert Paradero, 9-6 decision sa kid’s vacuum weight division, habang pinigil din ni Robert Miguel si Romer Dagoy ng Zamboanga City sa 57 segundo ng second round sa kids’ ant weight encounter.

Ngunit si Saludar, ang naka­babatang kapatid ni RP Team mainstay Rey Saludar ang siyang nagposte ng impresibong panalo sa tournament.

Nagpakawala si Saludar ng matinding left hook upang ma-knockout si Ronel Parcon ng Bacolod City sa third round ng kanilang youth boys’ bantamweight showdown.

 Ang iba pang nakakuha ng tiket para sa quarterfinal ng junior boys’ featherweight ay sina Camiguin’s Jayson Um­bal, na nanalo matapos na si Bacolod City’s Christopher Ganje ay madiskuwalipikado bunga ng head butt; Aglayan Bukidnon’s Mario Fernandez, na umiskor ng 10-4 decision laban kay Cris Paulino ng Manila; at Davao del Norte’s Raffy Cavan, na naglista ng 12-9 tagumpay kay Palawan A’s Mesaek Alpuerto.

Show comments