WIJK AAN ZEE, Netherlands - sa na namang draw ang nakuha ni Filipino Grandmaster Wesley So sa ninth round ng 72nd Corus chess tournament dito sa De Morian Community Centre.
Pinakawalan ni So ang tsansang manalo matapos makahirit ng draw si dating world junior champion GM Emil Sutovsky ng Israel.
Halos papunta na sa kanyang pangatlong tagumpay ang 16-anyos na si So mula sa kanyang paghawak sa puting piyesa laban sa gipit na sa oras na si Sutovsky.
Ngunit nabigo si So na sundan ang kanyang magandang posisyon na siyang sinamantala ng Azerbaijan-born na si Sutovsky para sa isang draw matapos ang 42 moves ng Gruendfeld.
Nang hindi na makagalaw ang magkabilang kampo, tangan ni So ang isang rook, isang knight at apat na pawns kumpara sa isang rook, isang knight at tatlong pawns ng 33-anyos na si Sutovsky.
Ang Gruendfeld ay isang opening na dating ginagamit nina world champions Bobby Fischer, Gary Kasparov at Viswanathan Anand.
Si So ay kasalukuyang may 5.5 points mula sa kanyang dalawang panalo at pitong draw sa nalalabing apat na laban.
Lumasap naman ng kanyang unang pagkatalo ang 15-anyos at solo lider na si GM Anish Giri ng Netherlands sa 13-round, category-16 tournament matapos na ma-upset ng nag-iisang babaeng kalahok na si IM Ann Muzchuk ng Slovenia sa 55 sulungan ng Sicilian upang manatiling may 6.5 puntos.