Barriga, Jalnaiz binugbog ang kalaban sa Smart-ABAP National Open
PUERTO PRINCESA CITY, Philippines - Isang three-time gold medalist Palarong Pambansa at anak ng dating Olympian ang umagaw ng pansin sa opening day ng 2010 Smart-ABAP National Boxing Championship nitong Lunes ng gabi sa Puerto Princesa Coliseum dito.
Umiskor si Mark Anthony Barriga ng Panabo City ng impresibong panalo laban kay Arjay Aguilar ng Bicol, 23-1 upang umusad sa quarterfinals ng junior boy’s pinweight category ng prestihiyosong five-day tournament na ito na nakataya ang kabuuang 14 slots para sa national youth squad.
Pinaulanan ng 16-anyos na si Barriga, first-year commerce student mula sa Panabo College, dinomina ang nakaraang tatlong edisyon ng Palarong Pambansa, ang kalabang si Aguilar ng mga suntok sa ulo at katawan sa simula pa lang ng opening bell tungo sa kanyang lopsided na panalo na nagpahanga sa mga national coaches na sina Pat Gaspi, Romeo Brin, Roel Velasco at Boy Catolico.
Ang apat na nabanggit na coaches ay pawang nasa sidelines upang mag-scout ng potential talents na isasabak sa 2010 Singapore Youth Olympics sa Agosto.
“Gusto ko talaga siyang ma-knock out para mapasama ako sa RP (youth) team,” wika ni Barriga. “Pero mahaba pa ‘yan. Madami pang pwedeng mangyari.”
Ang isa pang nagpasikat ay ang anak ng 1992 Barcelona Olympian na si Roberto Jalnaiz na kumatawan naman sa Misamis Oriental sa ilalim ni Gov. Oscar Moreno.
Humatak ang 10-anyos na si Rafael Jalnaiz ng 11-5 decision laban kay Kent Jasper Fuentes ng Palawan sa kids’ vacuum weight category, habang ang kanyang nakakatandang kapatid--ang 12-anyos na si Robert Miguel ay niyanig naman si Jeffrey Stella ng Mandaue City, 13-3 sa kids’ ant weight category.
“Araw-araw ang ensayo ng mga batang iyan. Tinututukan ko talaga sila dahil alam kong madaming malalakas (na kalaban) dito,” wika naman ni Jalnaiz, na nag-iisang Filipino gold medalist sa 1990 Beijing Asian Games.
Ang iba pang nanalo ay sina Michael Joerge Codilla, na nanaig kay Joseph Orevello, 10-9, Justine Carl Fajardo ng Puerto Princesa A, na pinigil si Jake Tabares ng Caloocan sa second round at Romer Dagoy ng Zamboanga, tinalo si Dave Luna ng Puerto Princesa C, 13-11.
- Latest
- Trending