MELBOURNE, Australia - Umentra ang dating No. 1-ranked na si Justine Henin sa semifinals sa kanyang Grand Slam comeback matapos igupo si Nadia Petrova, 7-6 (3), 7-5 nitong Martes sa Australian Open quarterfinal round.
Susunod na makakasagupa ng walang ranggong si Henin na lumaro dito bilang wild-card entry sa Melbourne Park, ang 2008 Wimbledon semifinalist na si Zheng Jie na pinatalsik naman si Maria Kirilenko ng Russia, 6-1, 6-3.
Nangapa muna si Henin sa second set bago niya tuluyang maitama ang kanyang powerful groundstrokes at nanalo ito ng pito mula sa sumunod na siyam na games na tumapos sa No. 19-seeded na si Petrova.
“I just went for it with my heart. Finally I could make it, and I’m very happy,” wika ni Henin.
Tinalo rin ng 27-anyos na Belgian si Petrova nitong Jan. 4 sa Brisbane International sa kanyang unang match sa tour matapos ang 20 buwan ng kanyang pagreretiro.
Nakarating naman si Henin sa Brisbane final kung saan natalo siya sa tatlong sets sa kapwa niya Belgian na si Kim Clijsters.
Matagumpay na tinapos ni Henin ang pananalasa ni Petrova sa Melbourne, na naunang sinibak ang dalawang reigning major champions patungo sa quarters--si Clijsters sa third round at ang French Open champion na si Svetlana Kuznetsova sa fourth.
Sa kabilang banda, isinama naman ni Zheng ang pangalan ni Kirilenko sa mga malalaking pangalan na kanyang naging biktima na nagsimula sa 3-oras at 21-minutong first round na panalo laban sa 2008 champion na si Maria Sharapova at ang paggapi sa nakaraang taong finalist na si Dinara Safina sa fourth round matapos na magretiro bunga ng kanyang problema sa likod.
Sa iba pang laro, tinapos naman ni defending champion Serena Williams ang pag-asa ng hometown bet matapos igupo ang No. 13 na si Samantha Stosur, 6-4, 6-2 sa isang laro sa Rod Laver Arena.