Clottey patok din na kalaban ni Pacman, unang bugso ng tiket naubos agad

MANILA, Philippines - Hindi man natuloy ang pakikipagsabayan ni Manny Pacquiao sa maarteng si Floyd Mayweather, Jr., mainit naman ang pagtanggap ng mga boxing fans kay Joshua Clottey ng Ghana.

Sa unang tatlong oras pa lamang ng public tickets sales, humigit-kumulang na sa 20,000 ng inilatag na 40,000 tiket ang naubos na nagkakahalaga ng mula $50 hanggang $700.

“Ross Greenburg and I are very gratified that the public has responded like they have, and we are happy for our partner Jerry Jones,” wika kahapon ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa panayam ng ESPN.com mula sa Madison Square Garden Theater sa New York City.

Si Greenburg ang pangulo ng HBO Sports, samantalang si Jones naman ang nagmamay-ari sa Cowboys Stadium na tahanan ng National Football League (NFL) team Dallas Cowboys.

Nakatakdang itaya ni Pacquiao ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban kay Clottey sa Marso 13 sa Cowboys Stadium sa Arlington, Texas.

Ayon kay Arum, patuloy pa rin ang paghahanap ng mga fight fans ng tiket para makapanood sa 100,000-seater Cowboys Stadium.

“It’s going to be quite a night,” ani Arum. “And Jerry isn’t just a one-event guy. If he sees this as a success you can be sure he’ll do more boxing in that great stadium.”

Kasalukuyang ibinabandera ng 31-anyos na si Pacquiao ang kanyang 50-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs kumpara sa 35-3-0 (20 KOs) ng 32-anyos na si Clottey.

Ito ang unang pagdedepensa ng tubong General Santos City sa kanyang hawak na WBO welterweight belt matapos itong agawin kay Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico via 12th-round TKO noong Nov. 13.

Nakatakda nang simulan ni “Pacman” ang kanyang pagsasanay sa Wildcard Boxing Gym kasabay si World Boxing Association (WBA) light welterweight king Amir Khan.

Problemado naman si Clottey ukol sa pagkakait ng US Embassy sa Acra, Africa na bigyan ng visa ang kanyang mga trainers na sina Godwin Nii Dzanie Kotey at Daniel Clottey para makapasok sa Amerika at masimulan ang kanyang paghahanda. (RCadayona)

Show comments