Giles nanguna sa pagsibak ng Lebanon sa Smart Gilas
DUBAI--Sa likod ng paghihiganti ni dating import CJ Giles, tinalo ng nagdedepensang Al Riyadi ng Lebanon ang Smart Gilas, 79-76, sa semifinal round ng 21st Dubai Invitational dito kamakalawa ng gabi.
Umiskor ang 6-foot-11 na si Giles ng 29 puntos upang tulungan ang Al Riyadi na makasagupa sa championship round ang Mahram ng Iran na tumalo naman sa Al Jalaa ng Syria, 95-93, sa isa pang semis game.
Nag-ambag naman ang isa pang dating NBA player na si Shawn Colson ng 20 marka para sa Al Riyadi.
Sinabi ni Serbian coach Rajko Toroman na kulang sa eksperyensa at lakas ang kanyang Nationals.
“I think that the experience decide this game. They put the zone and we couldn’t execute and score against it,” wika ni Toroman.
Hindi na naman naglaro ang reinforcement na si Jamal Sampson mula sa idinadaing niyang knee injury bukod pa kina 6’6 Rabeh Al-Hussaini at 6’6 Aldrech Ramos.
“Our problem is the big guys, you know we don’t have too much inside game, that’s really our big problem. I think though that Jason (Ballesteros) and Greg (Slaughter) gave their all and every last energy they have,” ani Toroman.
Umiskor si Mac Baracael ng 23 puntos para pamunuan ang Nationals kasunod ang 17 ni Chris Tiu at 10 ni JV Casio.
Ang naturang kabiguan ang tumapos sa apat na sunod na arangkada ng Smart Gilas ng mabigo sa kanilang debut game laban sa Syria.
Al Riyadi 79- Giles 29, Colson 20, El Turk 9, Mahmoud 8, Frieje 7, Vogel 3, Ahmad 3.
Smart Gilas 76- Baracael 23, Tiu 17, Casio 10, Barroca 8, Lassiter 7, Ballesteros 4, Aguilar 4, Ababou 3.
Quarterscores: 25-26; 40-38; 57-55; 79-76
- Latest
- Trending