MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang ipinangako, dadalhin ni Carlos Tamara ang korona ni Brian “The Hawaiian Punch” Viloria sa Bogota, Colombia.
Ito ay matapos talunin ni Tamara si Viloria via 12th-round TKO upang agawin sa Fil-American fighter ang suot nitong International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Mula sa 14 sunod na suntok ng 26-anyos na si Tamara sa hindi gumaganting 29-anyos na si Viloria, itinigil ni referee Bruce McTavish ang naturang laban sa 1:45 ng final round.
Kinontrol ni Viloria ang first hanggang eight rounds hanggang kapusin sa sumunod na tatlong rounds na siyang sinamantala ni Tamara.
“Viloria looked very tired,” sabi ni Tamara, kumampanya sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece, habang noong 2000 naman sumabak si Viloria sa Sydney, Australia para sa U.S. Olympic Team.
Kaagad na dinala si Viloria sa malapit na San Juan De Dios Hospital para sa isang routine check-up bago inilipat sa Makati Medical Center para obserbahan ang pananakit ng kanyang ulo.
Sinasabing nagkulapso ang tubong Ilocos Sur sa loob ng kanyang dugout matapos ang laban kay Tamara.
“From Day 1, we never had a doubt that he would be world champion,” wika ni trainer Butch Garcia sa kanyang alagang si Tamara. “
Ito ang unang world boxing title ni Tamara matapos ang dalawang nabigong title shots.
May 20-4-0 win-loss-draw ring record ngayon si Tamara kasama ang 14 KOs kumpara sa 26-2-0 (15 KOs) slate ni Viloria, dati ring naghari sa World Boxing Council (WBC).
Ang nasabing IBF light flyweight title ay inagaw ni Viloria kay Mexican Ulises “Archie” Solis via 11th-round KO noong Abril 19 sa Araneta Coliseum.
Sa main undercard, tinalo ni World Boxing Organization (WBO) minimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes (26-1-0, 15 KOs) si Mexican Jesus Silvestre (15-2-0, 12 KOs) mula sa isang 10th-round TKO sa kanilang non-title bout.
Pinigil naman ni Jimrex Jaca si Indonesian Ramadhan Weriu sa fifth round ng kanilang lightweight fight, habang binigo ni Jason Pagara si Eddy Comaro ng Indonesia sa pamamagitan ng isang majority decision. (RC)