'Kami ang dapat na suportahan ng PSC, 'di kayo'--Ilagan sa kampo ni Chua, Viola
MANILA, Philippines - Kinatigan ng dating executive director ng Gintong Alay na si Bong Ilagan ang desisyon ng Philippine Sports Commission (PSC) na huwag suportahan ang paglahok ng six-man billiards team sa WPA World Team Championship sa Hanover, Germany.
Sa lingguhang “POC On Air” kahapon sa DZSR Sports Radio, sinabi ni Ilagan na ang kanyang liderato sa Billiards & Snooker Congress of the Philippines (BSCP) ang dapat tulungan ng PSC.
“Tama ‘yung PSC na hindi sila bigyan (ng suporta),” sabi ni Ilagan sa kampo ni Sebastian Chua at Carlos Santos-Viola. “Ang dapat talaga ay kami ang suportahan ng PSC.”
Sina Ilagan at Chua ang nag-aagawan para sa liderato ng BSCP na dating pinangungunahan ni Ernesto Fajardo.
Sa kabila ng pagkilala ng Philippine Olympic Committee (POC) sa BSCP ni Ilagan, dinala pa rin ng grupo nina Chua at Santos-Viola ang kanilang leadership dispute sa korte.
“Kailangan na naming umpisahan ang training for the 2010 Asian Games. Iyon ang gusto naming siguraduhin sa PSC na we get the exclusive and the full support of the PSC,” ani Ilagan.
Gusto nina Chua at Santos-Viola na ipadala sina national champion Lee Van Corteza, double world champion Ronnie Alcano, Dennis Orcollo, Marlon Manalo, Antonio Lining at Warren Kiamco sa WPA World Team Championship na nakatakda sa Enero 31 hanggang Pebrero 7.
Pondong $18,000 ang hinihingi ng naturang mga BSCP officials na hindi naman ibinigay ni PSC chairman Harry Angping.
“The event offers a total prize money of $398,000 with $100,000 going to the champion. Thus, the teams will be playing for money which makes it a professional event and not within the scope of PSC’s mandate of supporting and funding amateur sports,” dahilan ni Angping. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending