MANILA, Philippines - Ito ang sinasabi ng Philippine Sports Commission (PSC) chairman Harry Angping na dapat ‘magbanat ng buto’ ang mga National Sports Association (NSAs)at hindi lamang umaasa sa kanila.
Hindi pinagbigyan ng PSC ang kahilingan ng Billiards & Snooker Congress of the Philippines (BSCP) na gastusan ang kanilang paglahok sa unang WPA World Team Championship sa Hanover, Germany.
Nakatakda ang naturang torneo sa Enero 31 hanggang Pebrero 7, ayon kay BSCP secretary-general Carlos Santos-Viola.
Para sa naturang torneo, humihingi ang BSCP, nasa ilalim ng liderato ng pangulong si Sebastian Chua, kay Angping ng pondong $18,000 para sa kanilang air fare, hotel at meal expenses, dagdag ni Santos-Viola.
“Philippine participation in the Hanover event is a must because it is the official world team championship,” ani Santos-Viola. “It is now an annual event in the international sports calendar. And we will surely contend for top honors as one of the major pool-playing nations in the world.”
Sa kanyang programa, gusto ni Angping na tutukan ang paghahanda ng mga national athletes sa 16th Asian Games sa Guangzhou, China sa Nobyembre.
Ang koponan ng BSCP ay binubuo nina national champion Lee Van Corteza, double world champion Ronnie Alcano, Dennis Orcollo, Marlon Manalo, Antonio Lining at Warren Kiamco.
Ang naturang mga cue masters ay nanalo na ng gold at silver medals sa kanilang pagsali sa Asian Games at Southeast Asian Games. (RCadayona)