ROS may tiket na sa wildcard phase dahil sa panalo ng Coke
MANILA, Philippines - May dapat ipagpasalamat ang Rain Or Shine kay Asi Taulava at sa Coca-Cola.
Kumolekta ang 6-foot-9 Fil-Tongan ng 20 puntos, 11 rebounds at 5 assists upang tulungan ang Tigers sa isang 91-89 tagumpay kontra Barako Bull sa second round ng 2009-2010 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Ang panalo ng Tigers ang nagbigay sa Elasto Painters ng libreng tiket patungo sa wildcard phase kasabay ng pagpapatalsik sa Energy Boosters.
Sumakay sa kanilang three-game winning streak, iniangat ng Coke ang kanilang rekord sa 6-12 sa ilalim ng semifinalist San Miguel (13-5), Alaska (12-4), Barangay Ginebra (12-6), Purefoods Tender Juicy (11-6), nagdedepensang Talk ‘N Text (11-7), Sta. Lucia (10-7) at Burger King (5-12) kasunod ang Rain Or Shine (4-13) at Barako Bull (3-15).
Ang krusyal na turnaround jumper ng 6-foot-9 na si Taulava laban kina 6’6 Alex Crisano at 6’1 Ogie Menor sa huling 1.5 segundo ang nagtawid sa Tigers sa Energy Boosters.
“We’ll play Burger King in the wildcard, so we have to be ready for them,” sambit ng 2003 PBA MVP na si Taulava.
Nauna rito, inilista ng Coke ang isang 20-point lead, 74-54, mula sa isang fastbreak basket ni Norman Gonzales sa 11:24 ng fourth quarter bago nagtuwang naman sina Crisano, Menor, Jojo Duncil at Chad Alonzo upang ilapit ang Barako Bull sa 84-87 sa 2:02 nito.
Isang jumper ni Dennis Espino ang naglayo sa Tigers sa 89-84 sa 1:42 ng final canto kasunod ang dalawang split ni Alonzo at ang tres ni Aries Dimaunahan at itabla ang laban sa 89-89 sa huling 5.0 segundo. (RCadayona)
- Latest
- Trending