Laban ni Nietes vs Mexican 'di na title fight

MANILA, Philippines - Bukod sa tatlong beses na pagpapalit ng kanyang ma­kakalaban, hindi rin iti­nuring ng World Boxing Or­gani­zation (WBO) na isang title defense ang laban ni mi­nimumweight champion Donnie “Ahas” Nietes.

Sa halip na pang apat na sunod na pagtatanggol sa kan­yang WBO minimumweight crown, sasagupain ni Nietes si Mexican Jesus Silvestre sa isang non-title, 10-round bout sa Enero 23 sa Cuneta Astrodome sa Pa­say City.

Sa kabila nito, nangako pa rin ang 27-anyos na tu­bong Murcia, Negros Occi­dental na ibibigay niya ang lahat para talunin si Silves­tre.

“One hundred percent na po tayong ready para sa laban na ito,” wika ni Nietes kahapon sa lingguhang PSA sports forum sa Shakey’s U.N. Avenue Branch na iti­na­guyod ng Outlast Battery, PAGCOR, Shakey’s at Accel.

Tangan ni Nietes ang 25-1-0 win-loss-draw ring re­cord kasama ang 14 KOs, habang dala naman ni Silvestre ang 15-1-0 (12 KOs) slate.

Matagumpay na naidepensa ni Nietes ang kanyang WBO minimumweight title ma­tapos talunin si Mexican challenger Manuel Vargas via majority decision noong Setyembre sa Mexico City.    

Si Silvestre naman ang ikatlong pinagpilian ng kam­po ni Nietes matapos ma­nga­­yaw ang mga kababayan nitong sina Ivan Meneses at Sammy Gutierrez.

Matapos si Silvestre, pun­tirya naman ni Nietes ang isang unification title fight laban kay World Boxing Council (WBC) champion Oleydong Sithsamerchai ng Thailand.

“Iyon ang isa sa mga gusto ko sanang mangyari bago ako umakyat ng timbang,” ani Nietes sa 24-anyos na si Sithsamerchai, may 33-0-0 (12 KOS) card, na umiskor ng isang majority decision kay Juan Palacios ng Nica­ragua noong Nobyembre 28 para sa kanyang ikatlong ti­tle defense.

Ang main event sa Nie­tes-Silvestre 10-rounder ay ang pagtatanggol ni Brian “The Hawaiian Punch” Vi­loria ng kanyang hawak na International Boxing Federation (IBF) light flyweight belt laban kay Colombian challenger Carlos Tamara.  (Russell Cadayona)

Show comments