MANILA, Philippines - Upang mapatingkad ang kompetisyon sa Condura Run 2010 ay isinama na ng mga organizers ang full marathon sa kanilang patakbo na sasambulat sa Pebrero 7 sa The Fort sa Taguig.
Taong 2008 nang sinimulan ang patakbong ito na suportado ng Condura Industries at ang tampok na karera rito ay ang 10K distance. Noong nakaraang taon ay pinalawig ang karera sa 21-K half marathon at sa taong ito ay isinama na ang 42.195 karera.
Layunin ng pagkapasok ng marathon na mahila rin ang bilang ng mga kalahok tungo sa record na 8000.
Maliban sa 42K ay may itatakbo ring karera sa 21K, 10K, 5K at 3K distansya at maliban sa huling dalawang distansya, ang mangungunang tatlong runners sa ibang kategorya ay magkakamit ng premyong salapi buhat sa kabuuang P300,000 na inilatag.
Ang kampeon sa 42K ay mag-uuwi ng P60,000, ang 21K champion ay may P10,000.