Manny kumpiyansa na kayang pahalikin sa lona si Clottey

MANILA, Philippines - Kung nakaya ni Manny Pacquiao na pabagsa­kin at talunin si Miguel Angel Cotto ng Puerto Rico, bakit hindi si Joshua Clottey ng Ghana.

Sa kanyang pagdating sa Dallas, Texas kaha­pon, kumpiyansa ang Filipino boxing superstar na kaya rin niyang pahalikin sa lona ang natural na wel­terweight na si Clottey.

“Clottey is big and strong,” ani Pacquiao sa pa­nayam ng BoxingScene.com. “People were sa­ying that I won’t be able to put Cotto down but you know what happened.”

Itataya ni Pacquiao ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight title laban kay Clottey sa Marso 13 sa Cowboys Sta­dium sa Dallas, Texas.  

Ang nasabing WBO welterweight belt ay inagaw ni Pacquiao kay Cotto, tumalo kay Clottey mula sa isang split decision noong Hunyo sa Madison Square Garden sa New York, via 12th-round TKO noong Nobyembre 14 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Ang naturang laban nina Clottey at Cotto ay per­sonal na napanood ni Pacquiao.

“Clottey has a great hook and a nice uppercut,” sabi ng 31-anyos na world seven-division champion, sa 32-anyos na si Clottey.

Kasalukuyang tangan ng tubong General San­tos City na si Pacquiao ang kanyang 50-3-2 win-loss-draw ring record kasama ang 38 KOs, ha­bang dala naman ni Clottey ang 35-3-0 (20 KOs) slate.

Kagaya ni Pacquiao, kumpiyansa rin si Clottey sa kanyang tsansa.

“You see I have a lot of things to beat Manny Pacquiao. I have my defense in there and I’m a stro­ng welterweight,” ani Clottey. “He’s fighting with one of the best out there and I think I have everything to beat him and when we get to the ring, I will prove it to everybody.”

Nakatakdang bumiyahe ang magkabilang kam­po sa Madison Square Garden Theater sa New York City para sa kanilang ikalawang media conference.

Show comments