Panalo ng Talk N Text iprinotesta ng San Miguel
MANILA, Philippines - Inilagay ng San Miguel sa protesta ang kanilang 97-99 kabiguan sa nagdedepensang Talk ‘N Text noong Sabado sa kanilang out-of-town game sa Zamboanga City.
Ayon sa kanilang one-page letter na nilagdaan ni mentor Siot Tanquincen, kinuwestiyon ng SMC franchise ang pagbibigay ng PBA Commissioner’s Office ng isang oras na ‘grace period’.
Mula sa orihinal na alas-5 ng hapong laro, iniurong sa alas-6 ng gabi ang bakbakan ng Beermen at Tropang Texters.
Ang ‘grace period’ ay ibinigay sa Talk ‘N Text upang kunin ang kanilang proper uniform na ‘light’ o white jersey matapos dumating sa venue na suot ang kanilang ‘dark’ o royal blue uniform.
Isang game-winning lay-up ni pointguard Jimmy Alapag ang nagtakas sa naturang panalo ng Tropang Texters kontra sa Beermen.
Ang protesta ng Beermen at ni Tanquingcen ay mula sa pagsusuot ng koponan ni coach Chot Reyes ng maling uniporme bukod pa ang pagbibigay ng isang oras na ‘grace period’.
“That’s what the protest is saying, dapat hindi binigyan,” wika ni PBA Bureau head Willy Marcial, idinagdag na isang pulong ang magaganap ngayong araw sa PBA office sa Libis, Quezon City.
Sinabi naman ni Talk ‘N Text team manager Virgil Villavicencio na iiwanan na lamang nila ang desisyon kay Barrios. (RCadayona)
- Latest
- Trending