So nakipag-draw uli
WIJK AAN ZEE, Netherlands --Sa ikalawang sunod na pagkakataon, muling humirit ng draw si Filipino Grand Master Wesley So.
Matapos kay top seed GM Arkadij Naiditsch ng Germany, nakipagkasundo naman si So ng draw kay GM Erwin l’Ami ng the Netherlands sa second round ng 2010 Corus chess tournament dito sa De Moriaan Community Centre noong Linggo.
Hindi na hinintay pa ng 16-anyos na si So na masingitan ng pagkatalo laban sa lower-rated Dutch player matapos silang magkaroon ng magkaparehong posisyon sa kanilang maikling 23 moves.
Kapwa may dalawang rooks at magkasingdami ng pawns sina So at l’Ami.
Bago kay l’Ami, tumulak ng draw si So kay Naiditsch matapos ang 111 moves sa sa first round sa naturang 13-round, category-16 tournament.
Pitong players ang katabla ngayon ni So buhat sa magkakatulad nilang one point sa ilalim ng full point nina solo leader GM Anish Giri ng the Netherlands at half a point nina Naiditsch at GM Ni Hua ng China.
Sinolo ni Giri, isa sa tatlong Dutch players sa Group B, ang liderato mula sa kanyang 30-move victory via Petroff laban kay GM Liviu-Dieter Nisipeanu ng Romania.
Sinimulan ng naturang 15-anyos na Dutch champion ang kanyang kampanya mula sa kanyang panalo kay GM Pentala Harikrishna ng India sa 55 moves ng Slav opening.
Binigo naman ni Ni, ang No. 4 seed na may ELO 2657, si GM Emil Sutovsky ng Israel para sa kanyang 1.5 points sa ikalawang puwesto sa itaas nina Naiditsch, ang highest-rated player na may ELO 2687 at bumigo kay GM Varuzhan Akobian ng United States, at Ni sa second hanggang third places.
- Latest
- Trending