Pinay swimmer sasanayin ng mag-amang Hall sa US
MANILA, Philippines - Hindi lamang si tennis sensation Francis Casey Alcantara ang naghahanda para sa 2010 Youth Olympic Games na nakatakda sa Agosto 10-26 sa Singapore.
Nagtungo na si Filipina swimmer Dorothy Hong patungong Florida upang magsanay sa “The Race Club Swimming Camp,” isang high-performance training center sa United States.
Ngunit hindi basta-basta ang mga coaches na hahawak sa 16-anyos na si Hong. Si Hong ay sasanayin ng mag-amang sina Gary Hall, Sr. at Gary Hall, Jr., pawang mga nanalo ng medalya sa Olympic Games.
Si Hall Sr. ay nagsanay sa Pilipinas bago nakalangoy ng silver medal sa Mexico Olympic Games noong 1968, samantalang si Hall, Jr. ay bumingwit ng limang gold medals sa Olympics noong 1996 sa Atlanta, USA, 2000 sa Sydney, Australia at 2004 sa Athens, Greece.
Nakadalo na si Hong, sumabak sa una niyang Southeast Asian Games sa Laos noong nakaraang taon, sa New South Wales Institute of Sport (NSWIS) kung saan naging produkto si Australian Olympic champion Ian Thorpe.
Kasalukuyan ring nagsasanay sa NSWIS sina Youth Olympics-bound swimmers Jessie Lacuna, Jasmine Alkhaldi, Banjo Borja at Jose Gonzales.
Ang 17-anyos na si Alcantara ang unang nabigyan ng outright entry para sa Youth Olympic Games sa Singapore mula sa kanyang panalo sa boy’s doubles event ng Australian Open noong 2009 katambal si Taiwanese Hsieh Cheng-peng. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending