MANILA, Philippines - Batid ang kahalagahan ng panalo, humataw ang Coca-Cola sa ikaapat na quarter para iwanan ang mas pinapaborang Rain Or Shine tungo sa 105-83 panalo sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
“In those particular moments na puwedeng bumalik ang Rain Or Shine at the start of third, we challenged them that if we want to make the playoffs, we have to win this game and not complicate the situation,” pahayag ni coach Bo Perasol.
Nanguna para sa Tigers si Chris Ross sa pagkamada ng 18-puntos at siyam na rebounds tungo sa kanilang ikalawang sunod na panalo para isulong ang kanilang record sa 5-12 record upang palakasin ang tsansang makakuha ng wild card slot na ipagkakaloob sa no. 6, 7, 8 at 9 team.
“My challenge to them was basically, it’s a game that can go both ways. I think we have what it takes to beat them and they also have what it takes to beat us,” sabi pa ni Perasol.
Hindi pa nakakasiguro ang Coke ng wildcard berth dahil kakalabanin pa nila ang Barako Bull sa kani-lang huling asignatura.
Puwede pang makalimang panalo ang Barako Bull na nasa kulelat na posisyon taglay ang 3-13 kartada dahil kakalabanin pa nila ang Sta. Lucia at Tigers.
Kung nanalo sana ang Rain Or Shine pasok na sila sa wild card phase kung saan dadaan sa knock-out games ang No. 6 vs No. 9 at No. 7 versus No. 8 at maghaharap ang mga mananalong teams para paglabanan ang huling qurterfinal slot.
Ang siste, kung maka-kalimang panalo ang Rain Or Shine, do-or-die na ang Tigers at Energy Boosters kung saan ang matatalo ay masisibak na sa kontensiyon.
Samantala, dadako ang aksiyon sa Zamboanga City sa pagsasagupa ng league-leader San Miguel at Talk N Text sa Zamboanga City Coliseum sa alas-5:00 ng hapon.
Dahil wala nang pag-asa sa outright semifinal slot na nasiguro na ng San Miguel, hangad ng defending champion Talk N Text na mapaganda ang puwesto sa quarterfinal round kung saan babagsak ang no. 3, 4 at 5 teams pagkatapos ng eliminations.
Habang sinusulat ang balitang ito, magsasagupa ang Purefoods (10-6) at Alaska (12-3) na tangka ang ikalawa at huling outright semis slot na ipagkakaloob sa top-two teams pagkatapos ng eliminations. (Mae Balbuena)