MANILA, Philippines - Sumandig ang Jose Rizal University sa buzzer-beating shot ni John Nchotu Njei upang itakas ang makapigil-hiningang 51-49 panalo laban sa Adamson University sa 5th Fr. Martin Cup Open basketball tournamernt kahapon sa FEU gym sa Morayta, Manila.
Humatak ng rebound ang 6'0 na si Njei, na-recruit mula sa cameroon, matapos na magmintis ang kanyang teammate sa pinakawalang jumper mula sa kaliwang bahagi laban sa dalawang bantay ng Falcons upang iselyo ang nasabing panalo.
Ang panalo, ikalawa sa tatlong kalaban ay sapat na para okupahan ng tropa ni coach Vergel Meneses ang ikatlong puwesto sa Group B sa likod ng NCAA runner-up San Beda at Arellano University.
“The players are still adjusting to our new system, but they are doing very well right now,” ani Meneses, na itinalaga para trangkuhan ang koponan may dalawang buwan pa lamang.
“I’m satisfied with the way they are playing, although there are still rooms for improvement,” dagdag pa ni Meneses, na kilala bilang “Aerial Voyager” ng ito ay naglalaro pa sa PBA.
Tumapos naman si Mark Lopez ng 18 puntos para sa Mandaluyong-based team, na sinundan ni Njei na may 13 at Raycon Kabigting na may 10.
Sa iba pang laro, hiniya ng NCAA champion San Sebastian College ang AMA Computer University, 72-50; naungusan ng Letran College ang Informatics, 74-72; pinayuko ng Mapua ang Emilio Aguinaldo College, 81-56, pinataob ng University of Perpetual Help ang Arellano University, 71-68; sinilat ng University of the Philippines ang Centro Escolar University, 76-56, nanaig rin ang Lyceum of the Philippines sa Arellano-B, 64-60.