Smart Gilas vs Al-Jalaa ng Syria

DUBAI - Sisimulan ng Smart Gilas Pilipinas ang kanilang kampanya sa import-laced 21st Dubai Invitational basketball tournament laban sa Al-Jalaa ng Syria dito sa Ahli Club.

Ang naturang torneo ay bahagi ng two-week Middle East Tour ng Nationals ni Serbian head coach Rajko Toroman bilang paghahanda sa mga malalaking torneong sasabakan ngayong taon.

Ang Smart Gilas ay kabilang sa Group B kasama ang Champville ng Lebanon, Zain ng Jordan at An Nasr ng Saudi Arabia.

Ipaparada ng Al-Jalaa ang mga imports na sina Zendon Hamilton, Thomspon Garnett at Demtric Shaw laban sa Nationals na magbabandera naman kay dating NBA veteran Jamal Sampson.

Matapos ang Al-Jalaa match, makakaharap naman ng Smart Gilas bukas ang Champville Lebanon kasunod ang Zain sa Linggo at ang An Nasr sa Enero 18.

Bukod sa 6-foot-11 na si Sampson, nasa listahan rin ng SBP si 6'2 wingman Marcio Lassiter.

Makakasama nina Samspon at Lassiter sina skipper Chris Tiu, UAAP reigning MVP Dylan Ababou, co-captain Mark Barroca, Marnel Baracael, JVee Casio, Japeth Aguilar, RJ Jazul, Jason Balesteros, Greg Slaughter at Maggie Sison.

Show comments