MANILA, Philippines - Hindi sinayang ng Coca-Cola ang pagkakataong makakolekta ng importanteng panalo para palakasin ang kanilang tsansa sa wild card phase sa KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Sumandal ang Coke sa impresibong paglalaro nina Asi Taulava, Norman Gonzales at RJ Rizada upang iposte ang ikaapat na panalo kontra sa San Miguel Beer, 118-107, matapos ang 16 laro at katabla na nila ngayon ang Rain Or Shine habang nagkaroon sila ng distansiya sa Barako Bull na may 3-13 record na nasa kulelat na 10th place na siyang masisibak ng maaga.
Kailangan ng Tigers ang huling dalawang laro kontra sa Rain Or Shine at Barako Bull para makasama sa wild card phase kung saan maglalaban-laban ang mga no. 6, 7, 8 at 9 teams kung saan ang surviving team ay makakasama ng no. 3, 4 at 5 teams na makakakuha ng automatic quarterfinal slot.
Habang sinusulat ang balitang ito naglalaban pa ang Alaska (11-3) at Sta. Lucia (9-6).
Samantala, dumating na sa bansa ang dating Ginebra player na si Rudy Distrito na ineskortan ng mga US Marshalls matapos ideport sa bansa dahil binigyan ito ng parole sa Amerika.
Nakauwi na si Distrito, nakilala bilang ‘The Destroyer’ nakulong ng mahigit dalawang taon sa US matapos masentensiyahan noong 2005 ng Northern Nevada jail dahil sa voluntary manslaughter.
Huling naglaro si Distrito sa Sunkist bago ito nasuspindi ng season noong 1995 nang hatawin niya si Jeffrey Cariaso sa All Filipino titular showdown.
Napatunayan siyang pumatay kay Mexican Juan Amaya na nagpa-kasal sa kanyang dating live-in partner na si Marie Jo Buenafe, noong November 2004.
Coca-Cola 118 - Taulava 27, Gonzales 22, Rizada 20, Rodriguez 14, Macapagal 13, Calimag 8, Ross 4, Enrile 4, Bono 2, Cruz 2, Espino 2.
San Miguel-- 107 - Santos 22, Tugade 19, Cortez 12, Miranda 12, Pennisi 11, Custodio 8, Villanueva 6, Racela 5, Hontiveros 5, Eman 4, Holper 4.
Quarterscores: 28-30, 51-47, 82-74, 118-107.