MANILA, Philippines - Kumpara sa ibinuhos na cash incentives at bonuses ng Philippine Sports Commission (PSC) para sa mga national athletes na nag-uwi ng gold, silver at bronze medals sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos, papuri at pasasalamat lamang ang ihahandog ng Philippine Olympic Committee (POC).
Ito ang inihayag kahapon ni POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr. sa kanilang thanksgiving mass at party para sa mga atleta sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City.
"Wala kaming insentibong ganoon. Ang insentibo lang namin ay 'yung our show of appreciation for a job well done," ani Cojuangco sa lingguhang "POC on Air" sa DZSR Sports Radio.
Sa kabila ng bangayan nina Cojuangco at PSC chairman Harry Angping, nakakolekta pa rin ang Team Philippines ng kabuuang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals sa 2009 Laos SEA Games noong Disyembre.
Tumapos ang bansa bilang pang lima matapos pumang anim noong 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima, Thailand.
"Like what I've said, hindi 'yung mga medalyang pinanalo kundi 'yung kanilang ipinakitang samahan doon (sa Laos). Ipinakita nila kung anong klase tayong mga Filipino," ani Cojuangco.
Sa 251-man national contingent, 153 rito ay pinondohan ng PSC, samantalang ang idinagdag na 98 ay sinuportahan ng POC.
Pormal na ipapamahagi ng PSC ang cash incentives at bonuses ng mga atletang nag-uwi ng medalya sa Enero 13 sa harap ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Malacanang.
Nakasaad sa Republic Act 9064 (Athletes and Coaches Incentives Act) na tatanggap ang isang SEAG gold medal winner ng cash incentive na P100,000 kasunod ang P50,000 at P10,000, para sa silver at bronze, ayon sa pagkakasunod. (Russell Cadayona)