Awtomatikong semis asam ng Beermen

MANILA, Philippines - Hangad ng San Miguel na makopo ang una sa dalawang awtomatikong semifinal slot sa pakikipagharap sa kulelat na Barako Bull sa pagpapatuloy ng KFC PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome.

Hawak ang markang 12-3, may tatlong pagkaka-taon ang Beermen para magawa ito at ang una nga ay ng pakikipagsagupa sa Energy Boosters ngayon galas-5:00 ng hapon.

Importante din ang larong ito para sa Energy Boosters upang bigyang buhay ang kanilang pagnanais na makapasok kahit man lamang sa wild card phase.

Kulelat sa kartang 2-12 dahil na rin sa 10-game losing streak, obligado na ang Barako na ipanalo ang huling apat na laro para makaahon sa no. 10 slot na siyang masisibak pagkatapos ng elimination round.

Tangka ng Beermen ang ikaapat na sunod na panalo at makabawi sa 74-85 kabiguan sa Aces sa kanilang unang paghaharap noong October 17 na siyang huli nilang pagkatalo bago itala ang nine game winning streak sa kumperensiya.

Samantala, asinta naman ng Sta. Lucia ang ikalawang sunod na panalo sa taong ito sa pakikipag­harap sa Burger King sa ikalawang laro, alas-7:30 ng gabi.

Sa ngayon may pag-asa pa ang Realtors na makakuha ng outright semis slot ngunit may kahirapan na ito.

Hawak ang kartang 8-6, kailangang ipanalo ng Realtors ang huling apat na laro upang makahabol sa league leader na Alaska na may 11-2 kartada at umasang malasin ang Aces sa mga huli nilang laro. (Mae Balbuena)

Show comments