MANILA, Philippines - Pormal na inihayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang kanilang pag-entra sa media partnership agreement sa television network giant na GMA-7 para sa mga series ng mga laro ng Smart Gilas Pilipinas National Team sa Middle East.
Nakatakdang lumipad bukas ang Smart Gilas patungong Doha, Qatar bilang bahagi ng kanilang 17-araw na tour sa Gulf bilang panimula ng kanilang preparasyon para sa Asian Games ngayong November sa China. Ang mga batang National Team ay babanderahan ni Serbian coach Rajko Toroman na lalaro ng dalawang games kontra sa Qatar National Team sa Enero 8-9 bago lumahok naman sa 21st Dubai International Tournament mula Jan. 14 hanggang 23.
Bago ito, maglalaro muna ang Smart Gilas ng exhibition games para sa mga Filipino communities sa Dubai gayundin sa mga koponan mula sa Jordan at UAE.
Nag-courtesy call kahapon si Toroman at ang kanyang mga manlalaro sa pangunguna nina team captain Chris Tiu at UAAP Most Valuable Player (MVP) Dylan Ababou, kasama sina SBP officials Rico Meneses at Perry Martinez, kina GMA Network, Inc. chairman, president at CEO Felipe L. Gozon at EVP at COO Gilberto R. Duavit bago sila umalis.
Sa ilalim ng partnership, ipalalabas ng GMA ang mga aktibidades ng Smart Gilas sa Middle East at ipapalabas rin ito bilang special sa GMA’s PinoyTV.
“We fully support the national team, financially, morally and spiritually because we need to have athletes who will represent the country and win. And basketball is the national sport,” wika ni Gozon.