MANILA, Philippines - Magtatagpo ang mga kinatawan ng kampo nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr., sa Martes (Miyerkules sa Manila) upang talakayin ang ilang isyu. Ilan sa pangunahing isyu ang drug testing issue na siyang pinakamalaking balakid para mapigil ang pinakaabangang laban ng taon.
Ito na ang huling barahang ilalatag ng dalawang kampo upang magkasundo at maisalba pa ang Pacquiao-Mayweather fight.
Ayon sa ulat ng Examiner.com, kapwa naglatag na ng alternatibong paraan sina Top Rank top official Bob Arum at Pacquiao kung saan higit na magbebenipisyo ay si Yuri Foreman.
Sa paningin ng Golden Boy at ni Mayweather, patok ang kanilang estratehiya para matuloy ang laban.
Gayunpaman sinabi ng adviser ni Mayweather na si Leonard Ellerbe sa FanHouse na mas positibo siyang matutuloy ang laban.
"I just think that at the end of the day, Manny Pacquiao will put his country on his back and eventually step up to the plate and agree to the random blood and urine testing. Because there is nothing out there that could do that could remotely come close to being involved in the biggest fight in the history of the sport," "Manny has surrounded himself with some very intelligent people, and I can't imagine guys like Michael Koncz and Freddie Roach advising him against doing that.”
Umaasa ang Golden Boy na tutungo sila sa meeting na uuwing may dalang magandang balita.
At kailangang kapwa ibaba nila ang kanilang ego upang tuluyang maiselyo ang labang inaasahan ng lahat.
Pinaka-problema ng dalawang kampo ang pagtanggi sa nais ng dalawang kampo at habang tumatagal na ipinagpipi-litan ni Mayweather ang nais niyang mangyaring drug testing lalong pinag-iinit niya si Pacquiao at ang Top Rank.
Maaari ding ipagpilitan na bawiin ni Pacquiao ang isinampang kaso laban kay Mayweather at ituloy na lang ang laban bago tuluyang maglaho ang laban na ito.
Samantala, isang retired federal judge ang papagitna sa pag-uusap ng mga kinatawan nina Pacquiao at Mayweather sa pagsisikap na maisalba pa ang laban na magaganap sa Marso 13 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Tatanggapin ni Daniel Weinstein sina Top Rank’s Bob Arum at Todd duBoef, para kay Pacquiao, at Golden Boy CEO Richard Schaefer at Mayweather Promotions CEO Leonad Ellerbe, para kay Mayweather sa kanyang opsina sa Judicial Arbitration and Mediation Services o JAMS office sa Santa Monica.
Ang negosasyon para sa laban na inaasahang wawasak sa lahat ng existing records sa boxing ay napigil bunga ng hindi pagkakasundo sa paraan ng pagkuha ng drug testing.
Nais ni Mayweather ng random, madugo at Olympic-style procedures habang si Pacquiao naman ay nais gawin ito tulad ng ginagawa ng Nevada style na gamit lamang ang urine.
Bahagyang may pag-asa na matuloy ang laban na sisiguro sa dalawang boksingero ng premyong humigit-kumulang sa $25M bagamat nagsampa na ng demanda ang Pinoy ring icon.
Naglatag ng danyos si Pacquiao sa pamamagitan ng LA-based law firm O’Melveny at Myers, at Atty. Daniel Petrocelli.
Sa isang ulat na lumabas sa fanhouse.com, sinabi ni Ellerbe na patuloy na inaayos nilang matuloy ang laban.
“We’re still trying to make a deal. We feel that this is the biggest fight in the history of boxing. We want to give this fight to the fans.” (May ulat ni Abac Cordero)