Clijsters nagparamdam ng kahandaan
BRISBANE--Maganda ang naging simula ni US Open champion Kim Clijsters nang mapagwagian nito ang unang laban niya sa Brisbane International makaraang igupo si Tathiana Garbin ng Italy, 6-2, 6-1.
Tatlong break points ang hinarap ni Clijsters, top seed sa pinagsamang WTA-ATP tournament sa Queensland Tennis Centre sa opening game ng laban ngunit rumesbak upang kunin ang bentahe.
Makakaharap ni Clijsters na magwagi sa loob ng 53 minuto, ang magwawagi sa pagitan nina Ekaterina Makarova ng Russia at Australian Alicia Molik sa second round.
Sa Lunes, opisyal na magbabalik si dating world No. 1 Justine Henin matapos ang 20 buwang pagreretiro kontra kay second seed Nadia Petrova.
Sa Perth, dinaig ni Maria Jose Martinez Sanchez si American Melanie Oudin, 6-4, 6-4, upang ibigay sa Spain ang 12-0 abante sa Hopman Mixed teams tennis tournament.
Na-break ng 18 anyos na si Oudin ang service ni Martinez Sanchez, isang server at volleyer sa unang pagkakataon habang nagseserbisyo sa laban sa iskor na 5-2.
Nakatakda namang harapin ni American John Isner si Tommy Robredo ng Spain sa men’s singles habang haharapin naman nina Oudin at Isner si Martinez Sanchez at Robredo sa mixed doubles.
Tinalo ng Romania ang Australia, 2-1 noong Sabado upang buksan ang eight-country tournament.
Sa Lunes, makakalaban ng Britain na binabanderahan ni No. 4 Andy Murray ang Kazakhstan habang maglalaban naman ang Germany at Russia.
Makikipagtambalan si Murray sa 15 anyos na si Laura Robson kontra sa Kazakhstan pair nina Andrey Golubev at Yaroslava Shvedova.
- Latest
- Trending