Guerrero, hindi naiiba sa Mexican fighters
MANILA, Philippines - Kagaya ng mga Mexican fighters, agresibo at matapang rin si Gerson Guerrero.
Sinabi ni Nonito "The Filipino Flash" Donaire, Jr. na hindi siya maaaring magkumpiyansa kay Guerrero ukol sa kanyang pagtataya ng suot niyang World Boxing Association (WBA) interim super flyweight belt.
"He's a typical Mexican fighter but very good," ani Donaire kay Guerrero. "He's very toughand I'm sure he’s gonna give all he's got and get his name up there."
Nakatakda ang salpukan nina Donaire at Guerrero sa Pebrero 13 sa "Pinoy Power 3/Latin Fury 13" sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
Maliban sa WBA interim super flyweight crown, kasalukuyan ring tangan ni Donaire ang kanyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles.
Ibinabandera ng 27-anyos na si Donaire ang kanyang 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs kumpara sa 34-8-0 (26 KO’s) slate ni Guerrero.
Para makakuha ng bagong istilo sa pagsasanay, kinuha ni Donaire si Mexican trainer Robert Garcia, ang umaagapay rin kay world light flyweight champion Brian "The Hawaiian Punch" Viloria.
Nasa boxing card rin ng "Pinoy Power 3/Latin Fury 13" ang paghahamon ng 21-anyos na si Ciso "Kid Terrible" Morales sa 33-anyos na si Mexican Fernando Montiel para sa hawak nitong World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown.
Sakaling mapanatili ni Montiel ang kanyang WBO bantamweight title, hahamunin siya ng mananalo sa pagitan nina Gerry Peñalosa at Erik Morel ng Puerto Rico mula sa kanilang title eliminator. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending