Sonsona tuloy na ang laban para sa world title
MANILA, Philippines - Tuloy na tuloy na ang paglaban ni "Marvelous" Marvin Sonsona para sa isa na namang world boxing crown.
Ito ay matapos pirmahan ng 19-anyos na si Sonsona ang fight contract para sa kanilang championship fight ni Wilfredo Vazquez, Jr. ng Puerto Rico para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title.
Nakatakda ang naturang salpukan nina Sonsona at Vasquez sa Pebrero 27 sa San Juan, Puerto Rico.
Nabakante ang WBO super bantamweight belt makaraang iwanan ito ni Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico, nagpasuko kay Filipino world two-division titlist Gerry "Fearless" Peñalosa sa tenth-round noong Abril, para hamunin si WBO featherweight king Steven Luevano.
Matatandaang tinalo ni Sonsona ang 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez via unanimous decision upang agawin sa Puerto Rican ang hawak nitong WBO super flyweight belt noong Setyembre 4 sa Ontario, Canada.
Inalisan naman ng WBO ng korona ang tubong General Santos City nang mabigong makapasa sa kanilang weigh-in sa araw ng kanyang title defense kay Mexican Alejandro Hernandez noong Nobyembre 21 sa Ontario, Canada.
Sa kabila ng pagkakabawi ng kanyang WBO super flyweight crown, nakapuwersa pa rin ng draw si Sonsona kay Hernandez.
"Of course, lots of fight fans who were disappointed in his last outing felt short changed because Sonsona did not make the weight which is understandable however, I really cant blame the young boy, his body is really growing and we cannot stop the growth of this kid, its mother nature," ani Filipino promoter Sammy Gello-ani.
Dinadala ni Sonsona ang 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, habang taglay ng 25-anyos na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.
"Marvin also will better without being dehydrated is what we are looking at and we believe that his natural weight should be at 122lb," ani Gello-ani. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending