Williams, Santos nag-uunahan sa BPC title
MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkaka-taon, matapos ang gitgitan para sa 2007 Rookie of the Year at 2008 MVP, muli na namang naging matinding magkaribal sina Kelly Williams at Arwind Santos ngayong taon para sa 2009-2010 PBA KFC Philippine Cup.
Kapwa nagpakitang gilas ngayong kumperensya, bumulsa ng 39.5 statistical points (Sps) kada laro ang pambato ng Sta. Lucia Fil-Am star na si Williams habang nagpasikat naman ang San Miguel Beermen na si Santos sa pamamagitan ng kanyang 39.0 outing para sa Best Player of the Conference.
Ngunit hindi rin nagpahuli si Mark Cardona ng Talk N' Text na siyang scoring leader na may 21.8 points at 34 Sps na pumwesto sa ikatlong posisyon at sinundan pa nina Alaska main men Willie Miller (33.5), LA Tenorio (31.4) at Joe De Vance (31.2).
Humalili sa power tandem nina Jayjay Helterbrand at Mark Caguioa ng Barangay Ginebra, sinalo ni Ronald Tubid ang res-ponsibilidad sa pagbitbit sa koponan nang magtala ito ng 30.3 Sps upang sumabit sa ikapitong slot na sinundan pa ni Reynel Hugnatan ng Alaska (28.85), Ryan Reyes ng Sta. Lucia (28.77) at Talk N Text's Harvey Carey (28.5).
Ang limang panguna-hing manlalaro sa stats race matapos ang semifinal round ang siyang pagpipilian ng mga hurado upang gawing opisyal na kandidato para sa Best Player of the Conference honor.
Dahil sa kinolektang mga average points, matunog ang pangalan nina Santos, Miller, Tenorio at De Vance matapos makalusot ang kani-kanilang grupo sa semis buhat sa masikap na paggalaw, kaagad na nakuha ng San Miguel (12-3) at Alaska (11-2) ang awtomatikong semis slot kung saan napatalsik na sa karera ang Sta. Lucia, habang tablado naman ang mga 10-5 kartadang pinanghahawakan ng Talk N Text at Purefoods na lamang ng isang laro sa Ginebra na may 9-6 baraha.
Sa ipinamalas na husay, nananatiling nangunguna sina Williams at Santos sa lahat ng aspeto ng kompetisyon. Tanging sila lamang dalawa ang bumandera sa scoring at rebounding habang nagpasikat naman para sa scoring at assists sina Miller, Tenorio at Alapag.
Namuno si Williams sa liga nang magsubi ito ng mataas na numero sa rebounding na 14.1 boards at pumoste ng 17.2-point clip, 3.7 assists at 1.8 steals kada laban habang pumangalawa si Santos sa scoring na may 18.20 average, 1.6 blocks, 10.2 rebounds 1.53 steals.
Samantala, naglista rin sina Cardona ng 21.8 points, 4.8 rebounds at 3.3 assists, habang si Miller ay mayroong 16.2 points, 6.5 rebounds at 4.5 assists at bumida rin si Tenorio sa kanyang 15.5 points, 5.0 rebounds at 4.2 assists. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending