Arum kukumbinsihin si Pacquiao

MANILA, Philippines - Ipinabatid ng promoter ni World champion Manny Pacquiao na si Bob Arum na hihilingin niya sa kanyang boksingero na ikonsidera ang pagtanggi niya sa blood testing, na nagbigay ng pahiwatig na maaaring matuloy pa ang laban nito kay Floyd Mayweather Jr.

Ilang oras makalipas na ihayag ni Arum ang bagong kalaban ni Pacquiao, ipinakita naman ng kampo ni Mayweather ang isang footage mula sa television documentary na taliwas sa pagtanggi ni Pacquiao na magpakuha ng blood test na malapit sa kanyang laban.

Tinanggihan ni Pacquiao ang hiling ni Mayweather para sa random blood testing sa pagitan ng 30 araw bago ang laban at mas gusto ang urine test dahil nanghihina ito kapag kinunan siya ng dugo- isang balakid sa pagkansela ng lukratibong match-up ng dalawa.

Ngunit sa ipinakita sa HBO reality show ‘Pacquiao/Hatton 24/7’ sa pag-hahanda ni Pacquiao sa kanyang laban kay Briton Ricky Hatton noong May, ipinakitang nagbigay ng dugo ang Pinoy idol.

At sinabi ng kampo ni Mayweather na ang senaryo ay kinunan may 14 days bago ang laban-- isang katotohanan na nais iberipika ni Arum bago niya personal na kausapin ang kanyang boxer.

“I will transmit it to Manny once (HBO Sports president) Ross Greenburg establishes the actual date of the test in ‘24/7’ and (the Mayweather camp) makes a proposal based on what Ross has come up with,” wika ni Arum sa ESPN.com.

“If that happens, I am sure I can convince Manny,” aniya pa.

Binigyan ni Arum ng deadline noong Lunes ang Golden Boy Promotion para tanggapin ang ‘final offer’ na kapwa papayagan ng mga boksingerong isagawa ng Nevada State Athletic Commission bago isagawa ang desisyon sa testing. (DMVillena)

Show comments