Hay! Kay bilis talaga ng panahon.
Aba ilang tulog na lang at 2010 na.
At siyempre as usual na yung mga New Year’s wish na ang asam ng lahat ay matupad sana.
Isa lang naman ang pinaka-wish ko eh!
Pero bago ang lahat nais kong pasalamatan ang ating Poong Maykapal sa pagbibigay niya sa akin ng maraming grasya at higit sa lahat sa pagbibigay sa akin ng isang panibagong buhay.
Maraming krisis ang dumating sa buhay ko at hindi ako pinabayaan ng ating Maykapal sa paggabay niya sa akin sa tamang landas. Thank You Lord!
At para naman sa wish ko sa 2010, masaganang buhay at siyempre, good health at long life pa rin sa akin at sa buong pamilya ko.
Sana ngayong pagpasok ng Bagong Taon, magbago na rin tayong lahat.
Ibigay natin ang ating buong pusong pang-unawa, at kapatawaran sa lahat ng ating kaibigan at higit sa lahat sa ating mga kaaway.
Magmahalan tayong lahat at alisin ang lahat ng puot sa ating puso.
* * *
Pero ang nag-iisang wish ko para sa sports ay iisa lang.
Ang magkasundo na ang mga lider ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee para sa kapakanan ng ating mga atleta.
Masyadong apektado na ang mga atleta sa nagaganap na hidwaan ng dalawang lider.
Aba malapit na ang Guangzhou Asian Games kaya siguro mas magandang simulan natin ang pagkakaisa sa pagpasok ng taon upang higit na mapagbuti ng ating mga atleta ang kanilang pagsasanay.
So sana naman hindi masira ang kanilang paghahanda dahil lamang sa hindi pagkakaunawaan ng dalawang lider.
Hiling ko rin na sana magkaisa na ang mga ibang lider ng National Sports Association para naman hindi na mapahiya ang mga atleta ng mga nag-aaway na NSAs.
Kawawa naman.
Isang magandang halimbawa ang nangyari sa Laos SEA Games kung saan dahil sa gulong naganap sa cycling association naapektuhan ang mga mga siklista kung saan hindi nakalahok dahil hindi kinilala ang grupo na kanilang pinanigan.
Mabuti na lang at nagbigay na rin si Mikee Romero, ang nahalal na pangulo ng isang cycling association.
Isang tamang paraan ang ginawa ni Romero nang magbitiw ito sa kanyang puwesto upang hindi na magkaroon pa ng kahihiyan ang mga siklista.
Sana ganun rin ang gawin ng ibang NSAs leader tulad ng sa badminton, billiards para na rin sa ating mga atleta.
Have a blessed and joyous New Year to everybody.