Pambansang atleta gagawaran ng parangal ng POC
MANILA, Philippines - Matapos ang Philippine Sports Commission (PSC), ang Philippine Olympic Committee (POC) naman ang magbibigay ng parangal sa mga national athletes na sumabak sa nakaraang 25th Southeast Asian Games sa Laos.
Ayon kay POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr., itatakda nila ang isang thanksgiving party para sa mga atleta sa Enero 7.
"I'm sure the athletes and everybody else would like to spend more time with their families this holiday season," ani Cojuangco. "We will be hosting a thanksgiving gathering and mass on January 7 para nakapagpahinga na ang ating mga atleta."
Sa nakaraang 2009 Laos SEA Games, humakot ng kabuuang 38 gold, 35 silver at 51 bronze medals upang tumapos bilang fifth-placer sa ilalim ng overall champion Thailand (86-83-97), Vietnam (83-75-57), Indonesia (43-53-74) at Malaysia (40-40-59).
Matapos kumolekta 113 gold, 84 silver at 94 bronze medals para maging overall titlist noong 2005, nahulog naman ang mga Filipino athletes sa pang-anim na puwesto sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2007 mula sa naiuwing 41-91-96 medals.
Ayon sa Republic Act 9064 (Athletes and Coaches Incentives Act), cash incentive na P100,000 ang ibibigay sa mga SEA Games gold medalists, habang P50,000 at P10,000 ang matatanggap ng mga silver at bronze medalists.
Nagdagdag si PSC chairman Harry Angping ng P100,000 mula sa naipon ng komisyon at P100,000 galing sa private sector.
"We would also like to give some kind of honor to some medal winners that continues to give honor and prestige to our country," wika naman ni Cojuangco.
Nagdagdag ang POC ng 98 atleta sa naunang napiling pondohan na 153 ng PSC para sa 2009 Laos SEA Games. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending