MANILA, Philippines - Kung hindi magbabago ang plano, maaaring magkasabay sa pagsasanay ang magkumpareng sina Manny Pacquiao at Gerry Peñalosa sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.
Ayon kay Peñalosa, gusto niyang magsanay sa Wild Card Gym upang mapagtuunan ng sapat na atensyon ang kanilang title eliminator ni Erik Morel ng Puerto Rico.
Nakatakda ang naturang laban sa Pebrero 13 sa "Pinoy Power 3/Latin Fury 13" sa Las Vegas Hilton sa Las Vegas, Nevada.
"Siyempre, gusto kong mag-training sa Wild Card Gym ni coach Freddie para kumpleto ang facilities at walang masyadong distractions," wika ng world two-division champion. "Hopefully, magkasabay kami ni Manny na mag-ensayo para mas maganda 'yung resulta ng training namin pareho."
Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pormal na pahayag ang Top Rank Promotions ni Bob Arum ukol sa magiging kalaban ni Pacquiao matapos ibasura ang pangalan ni "Pretty Boy" Floyd Mayweather, Jr.
Kasalukuyang tangan ni Peñalosa ang 54-7-2 win-loss-draw ring record kasama ang 34 KOs, samantalang taglay naman ng 34-anyos na si Morel ang 41-2-0 (21 KOs) card.
Ang mananalo sa pagitan nina Peñalosa at Morel ang siyang lalaban para sa World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown.
Itataya ni Mexican Fernando Montiel ang kanyang suot na WBO bantamweight title laban kay Filipino challenger Ciso "Kid Terrible" Morales sa "Pinoy Power 3/Latin Fury 13".
Ang WBO belt ay dating hawak ni Peñnalosa bago ito binitawan sa paghahamon kay Juan Manuel Lopez ng Puerto Rico para sa WBO super bantamweight crown kung saan siya natalo noong Abril.
Ang naturang WBO bantamweight title ay inagaw ni Peñalosa kay Mexican Jhonny Gonzalez via seventh-round TKO noong Agosto ng 2007 kasunod ang isang title defense kay Ratanachai Sor Vorapin ng Thailand. (Russell Cadayona)