Sonsona vs Vasquez para sa bakanteng WBO title

MANILA, Philippines - Matapos mahubaran ng kanyang suot na world super flyweight crown noong Nobyembre 21 bunga ng pagiging overweight, mu-ling nabigyan ng pagkaka-taon si "Marvelous" Marvin Sonsona na maging world champion.

Nakatakdang sagupain ni Sonsona si Puerto Rican Wilfredo Vasquez, Jr. para sa bakanteng World Boxing Organization (WBO) super bantamweight title sa Pebrero 27 sa Puerto Rico.

Ang naturang WBO super bantamweight belt ay binakante ni Juan Manuel Lopez para hamunin si WBO featherweight titlist Steven Luevano sa Enero 23.

Matatandaang tinalo ng 19-anyos na si Sonsona ang 34-anyos na si Jose "Carita" Lopez ng Puerto Rico via unanimous decision upang angkinin ang WBO super flyweight belt noong Setyembre 4 sa Ontario, Canada.

Dahil na rin sa kanyang pagiging 'overweight', awtomatikong nahubaran ang tubong General Santos City ng kanyang hawak na WBO super flyweight crown bago pa man niya sagupain si Alejandro Hernandez ng Mexico noong Nobyembre 21 sa Ontario, Canada.

Matapos matanggalan ng WBO super flyweight crown, nagdesisyon ang kampo ni Sonsona na lumaban sa super bantamweight division.

Buhat sa pagiging 5’7, tumangkad si Sonsona, nagdadala ng 14-0-1 win-loss-draw ring record kasama ang 12 KOs, sa 5'9 makaraan ang dalawang buwan bukod pa ang pagbigat nito sa timbangan.

Dinadala naman ng 25-anyos at 5'6 na si Vasquez ang 17-0-1 (14 KOs) slate.

Maliban sa pagtangkad at pagbigat, sinisi rin ni Filipino trainer Nonito Donaire,Sr. ang kabiguan ni Sonsona na seryosohin ang kanyang preparasyon bago sagupain si Hernandez. (Russell Cadayona)

Show comments