MANILA, Philippines - Bitbit ang determinasyon, inasinta ni Lee Van Corteza ang tagumpay nang payukurin si reigning Predator International 10-ball champion Dennis Orcollo, sa pamamagitan ng 9-7, sa semis at Rodrigo Geronimo, 11-6, sa finals noong Martes ng gabi para magkampeon sa Billiards and Snooker Congress of the Philippines (BSCP) 4th National Pool Championship sa Star Billiards Center sa Grace Village, Quezon City.
Bunga ng natamong panalo, naiuwi ng Davaoenong si Corteza ang titulo at ang P100,000 papremyo para sa men’s division ng three-day event (December 20-22) na suportado ni congressman Bongbong Marcos, na pinamunuan ng long-time billiards patron Sebastian Chua sa pakikipagtulungan ng Raya Sports.
Namayani naman si Zemonette Oryan kontra kay Floriza Andal ng Laguna, 9-7, at Mica Claveria ng Bacolod City, 9-5, tungo sa back-back winner sa ladies section para ibulsa ang P15,000.
Naging makabuluhan ang panalo ni Corteza, multiple Southeast Asian Games gold medallist, nang sarguhin nito si Orcollo at makuha agad ang 4-1 hanggang 7-3 lead at magkaroon ng threat sa final canto .
Isang eksplosibong pagbabalik ang pinamalas ni Corteza matapos daigin sa loser's bracket at igupo sina William Millares, 9-1; Romeo del Rosario, 9-4; Oliver Villafuerte, 9-7; Godofredo Ducanes, 9-4; Elmer Haya via default; Roland dela Cruz, 9-6; John Salazar, 9-7; Roberto Gomez, 9-8 and Cebuano Marvin Tapia, 9-4, upang isulong ang pakikipagtipan kay Orcollo sa final four at isunod si Geronimo.para sa Finals.
Samantala, pinatumba ni Geronimo sa first round si Jech Limen, 9-6, ngunit nabigo kay defending champion Marlon Manalo, 6-9, sa second round.