Barako Bull yuko sa Rain Or Shine
MANILA, Philippines - Humataw ang Rain Or Shine sa ikalawang quarter at hindi na lumingon pa tungo sa kanilang 88-72 panalo kontra sa Barako Bull sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome kagabi.
Pinangunahan ni Solomon Mercado sa pagkamada ng 24-puntos ang Elasto Painters na nakabangon sa tatlong sunod na talo upang iangat ang record sa 4-10 sa kanilang huling laro sa taong 2009.
“I told my boys na last game namin for this year, so we have to finish this with a win,” ani coach Caloy Garcia ng Rain Or Shine.
Matapos kunin ng Barako Bull ang 29-22 kalamangan sa pagtatapos ng first half, naging maamo naman sila sa sumunod na canto.
Nilimitahan ng Rain Or Shine sa ikalawang quarter ang Barako Bull sa siyam na puntos kasabay ng pag hakot ng 22-puntos upang kunin ang 44-38 kalama-ngan sa halftime.
Nag-pick-up lang kami sa second quarter, after that hindi na nakahabol ang Barako,” kuwento ni Garcia.
Hindi na nadagdagan ang enerhiya ng Energy Boosters na nabaon pa ng hanggang 21 puntos sa ikatlong quarter mula sa tres ni Mike Hrabak, 64-43.
Katulong ni Solomon sina Jeffrey Chan na tumapos ng 15-puntos at si Hrabak na nagsumite ng 12 puntos upang ipalasap sa Barako Bull ang ika-10 sunod na talo na lalong nagbaon sa kanila sa ilalim ng team standing sa 2-12 record.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban ang Talk N Text at ang Sta. Lucia.
Ang Tropang Texters ay nasa ikatlong puwesto taglay ang 9-5 kartada sa likod ng nangungunang Alaska na may 11-2 record at pumapangalawang San Miguel (12-3) habang ang Realtors ay nasa fourth place na may 7-5 record.
- Latest
- Trending