2 Pinoy featherweights kinuhang ka-spar ni Peñalosa
MANILA, Philippines - Dalawang Filipino featherweights ang siyang kinuhang ka-spar ni world two-division champion Gerry “Fearless” Peñalosa bilang preparasyon sa kanyang laban kay Eric Morel ng Puerto Rico.
Ang mga ito ay sina Jonel Alivio at Michael Farenas, ang kasalukuyang World Professional Boxing Federation (WPBF) featherweight titlist.
Sinimulan na ng 37-anyos na si Peñalosa ang pagpapaigting sa kanyang paghahanda matapos mapanalisa ang kanyang laban sa 34-anyos na si Morel sa Pebrero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton sa Nevada.
Ang mananalo sa naturang title eliminator nina Peñalosa at Morel ang siyang hahamon kay Mexican Fernando Montiel para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown.
Dati nang hinawakan ni Peñalosa ang WBO bantamweight belt matapos itong agawin kay Mexican Jhonny Gonzales via seventh-round TKO noong Agosto ng 2007 sa Sacramento, USA.
Binitawan ni Peñalosa ang naturang korona nang hamunin si Puerto Rican Juan Manuel Lopez para sa hawak nitong WBO super bantamweight belt noong Pebrero.
Isinuko ni trainer Freddie Roach ang naturang laban sa tenth-round nang hindi na makagulapay ang tubong San Carlos City, Cebu mula sa mga suntok ni Lopez.
Kasalukuyang tangan ni Peñalosa ang 54-7-2 win-loss-draw ring record kasama ang 36 KOs, samantalang dinadala naman ni Morel ang 41-2-0 (21 KOs) slate. (RC)
- Latest
- Trending