MANILA, Philippines - Kinailangan ng Philippine Patriots ng kahusayan sa depensa ni Nonoy Baclao at clutch three-point shot mula kay Warren Ybanez sa endgame upang muling igupo ang Kuala Lumpur Dragons, 76-70, sa 1st ASEAN Basketball League (ABL) Championship sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Matapos ‘di makalaro sa 95-70 pagkatalo sa Brunei Barracudas noong Linggo para tulungan ang Ateneo, ipinaramdan ni 6-foot-4 Baclao ang kanyang presensiya nang sirain ng Patriots ang opensa ng Dragons matapos kumana ng side jumper na nagbigay sa kanila ng 66-63 kalamangan.
Nagbanta ang Dragons sa 66-68 ngunit umiskor ng tres si Ybanez matapos magmintis sa kanyang unang tatlong pagtatangka na tuluyang dumiskaril sa Dragons.
Nag-error ang Dragons sa kanilang dalawang sunod na offensive plays para tuluyang iselyo ng Patriots ang panalo para makabangon sa pagkatalo sa Baracudas.
Sa panalong ito ng Patriots, nakakuha ng double-double performance mula kay Jason Dizon, ay umangat sa 8-2 record. Kailangan na lamang nilang ipanalo ang tatlo sa huling limang laro para makopo ang No. 1 seeding sa semis.
Bumawi naman si Brandon Powell sa kanyang nakakadismayang three-point performance sa nakaraang laro matapos kumamada ng 20 markers para pangunahan ang kanyang koponan. (Mae Balbuena)