VIENTIANE, Laos--At sa pagtatakip ng telon na hudyat ng pagsasara ng 25th Southeast Asian Games sa matahimik na bansang ito, bitbit ng Team Philippines ang karanasan at leksiyon mula sa iba’t-ibang katunggali na naging sapat na upang maiahon ng mga atleta ng isang baytang ang bansa.
Bagamat kapos sa target na 40 gold medals, naging sapat na ang 38 golds, para hatakin pataas ang Philippines sa ikalimang posisyon mula sa kanilang naging performance noong 2007 sa Thailand kung saan pang-anim ang Pinas sa naipong 41 golds sa mas maraming competition.
Pormal na isinabit ang gold medal kay tennis player Cecil Mamiit nang magwagi ito sa kanyang laban sa men’s singles kontra sa kapwa Fil-Am na si Treat Conrad Huey sa all-Pinoy finals na naitakda na noong isang araw.
Pinayuko ni Mamiit si Huey, 4-6, 6-2 6-3 upang angkinin ang kanyang ikatlong SEA Games gold medal mula nang lumaro ito para sa bansa.
Ang kabiguan naman ni Huey ay nagdagdag sa listahan ng silver medal para sa araw na iyon.
Bagamat hindi nakuha ang prediksiyon sa tennis na limang golds, ramdam ng team na naisakatuparan nila ang kanilang misyon.
“It was a mission accomplished for us,” wika ni team manager Randy Villanueva. “We may have fallen shy of our initial target, which is five (gold medals), but some of our losses were merely by a hairline. The guys did a good job and all of them delivered.”
Sa kabuuan ang tennis ay humakot ng dalawang ginto isa kay Mamiit at isa sa doubles nila ni Huey, tatlong silver mula kina Huey, tambalang Riza Zalameda at Denise Dy sa women’s doubles at men’s doubles nina Mamiit at Huey at limang bronze.
“I guess, it’s the first time for two Filipinos to play in the finals,”wika pa ni Villanueva. “It was an all-out war. Both Cecil and Treat wanted to win the gold (medal) without thinking that they belong on the same team.
Naiuwi din ng sepak takraw men’s double nina Metodio Suico Jr. at Aleta Junmar ang huling bronze para sa bansa makaraang yumuko sila sa Vietnamese pair nina Than Quang Khai at Le Tien Duy, 2-0.
At sa pag-uwi ng mga atleta, isang masayang Pasko ang naghihintay lalo na ang mga mag-uuwi ng medalya dahil inihahanda na ang kanilang matatanggap na insentibo.
May 300,000 na bonus na matatanggap ang 38 gold medalist.
“As promised, the PSC will give an additional P100,000 on top of the P100,000 provided by the Incentives Act and the P100,000 from the private sector,” pagsusuma ni Angping sa P300,000 insentibo ng mga atleta.
Batay sa Republic Act 9064, o Athletes and Coaches Incentives Act,may P100,00 lamang ang nakalaan para sa SEA Games gold medalists ngunit dinagdagan ito ni Angping mula sa ipon ng PSC at pribadong sektor.
At ang tatanggap ng pinakamalaki ay ang mga double gold winners na sina swimmer Miguel Molina, cue artist Rubilen Amit at netter Cecil Mamiit.
Athletics 7 golds
Masasabing produktibo ang track and Field, sa kanilang pitong gintong medalya maliban pa sa mga nasirang records. Bagamat kapos ng 2 sa target ng kanilang pinuno na si Go Teng Kok na siyam, masasabing sila ang may pinakamagandang record sa biennial event na ito.
Ang mga gold medalists sa athletics ay sina Rene Herrera (3,000m steeplechase), Arniel Ferrera (hammer throw) Rosie Villarito (javelin throw), Danilo Fresnido (javelin throw) at Maristella Torres na na-break ang matagal ng record ni Elma Muros sa long jump.
Nagpamalas din ng bilis sina Jho-An Banayag at Eduardo Buenavista upang tanghaling reyna at hari ng marathon at gold.
Boxing: 3 gold sa babae 2 sa lalaki
Bitbit ang adhikaing matabunan ang masamang tinapos sa Thailand SEA Games noong 2007, bumawi ang Philippine boxers sa pagsuntok ng limang kumikinang na gintong medalya.
Mula sa isang gold na tinapos noong 2007, inilista ng tatlong babaeng boxers ang unang tatlong gold sa boxing mula kina Josei Gabuco, Alice Kate Aparri at Annie Albania.
Dumaan sa butas ng karayom ang 22 anyos na si Gabuco bago tuluyang masuntok ang gold sa pinweight division sa pamamagitan ng 6-5 panalo sa Vietnamese na si Nguyen Thi Hoa.
Pinaglaruan naman ni Aparri ang Laotian na si Milvady na duguan na ang mukha para ilista ang 15-4 panalo.
Higit na kahindik-hindik na panalo ay ang kay Asian champion Albania na bago matapos ang ikalawang round ay pinatigil na ng referee ang laban para sa 6-0 RSC-Outclassed decision.
Sa pagsulong ng mga kalalakihan hindi naman sila nagpahuli bagamat hindi nila napantayan ang 3 golds na produksiyon ng mga kababaihan.