POC inasahan na ang 20 golds ng RP team sa Laos SEAG

MANILA, Philippines - Bago pa man makakuha ng 20 gintong medalya ang mga Filipino athletes ay inasahan na ng mga opis­yales ng Philippine Olympic Committee (POC) na aabot sa 40 ang makokolekta ng mga ito sa 25th Southeast Asian Games sa Laos.

Ito ang inihayag kahapon ni POC president Jose “Pe­ping” Cojuangco, Jr. kaugnay sa kampanya ng Team Phi­lippines sa 2009 Laos SEA Games na magtatapos ngayong araw.

“Even before we were below 20 gold medals, ang estimate ng POC ay lalampas tayo ng trenta (30),” wika ni Cojuangco. “I think the concensus is that we can make it sa third place.”

Matapos humakot ng 112 gold, 84 silver at 94 bronze medals noong 2005 Philippine SEA Games upang tang­haling overall champion, na­hulog sa pang anim na pu­westo ang mga Filipino athletes sa Nakhon Ratcha­sima, Thailand noong 2007 mula sa naiuwing 41 gold, 91 silver at 96 bronze me­dals.

Sinabi ni Cojuangco na marami pang gintong medal­yang maaaring makolekta ng mga Pinoy hanggang sa pormal na pagwawakas ng naturang biennial event.

“Marami pa tayong medalyang nakatabi na makukuha pa natin,” sambit ni Cojuangco, nagdagdag ng 94 na­tional athletes matapos pumili ang Philippine Sports Commission (PSC) ng 153 na kanilang susuportahan.

Kabilang sa mga sports events na pinagkunan ng mga gold medals ng bansa ay sa boxing, athletics, swim­ming, taekwondo, golf, shooting at judo.

Samantala, sinisi naman ni Cojuangco si Tagaytay City Mayor Bambol Tolentino kaugnay sa ‘pagkawala’ ng tatlo hanggang apat na gintong medalya sa cycling event. (RCadayona)

 

Show comments