Peñalosa planong patigilin na ni Morel
MANILA, Philippines - Ngayon pa lamang ay ipinapakita na ni Eric Morel ng Puerto Rico ang kanyang determinasyong tuluyan nang pahintuin sa professional boxing si Filipino world two-division champion Gerry Peñalosa.
Sa panayam kahapon ng Primera Hora sa father/trainer na si Cirilo Morel, sinabi nitong nasa matinding preparasyon na si Morel para sa kanilang title eliminator ni Peñalosa.
Nakatakda ang naturang bakbakan sa Pebrero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton sa Nevada.
“Peñalosa is a good fighter,” wika ni Cirilo kay Peñalosa na nauna nang nakipag-asaran kay Morel matapos ihayag ng Top Rank Promotions ni Bob Arum ang kanilang salpukan sa “Pinoy Power 3”.
“Peñalosa has said that Eric is a chicken and he likes to run in the ring. Therefore, we are going to beat him round by round,” dagdag pa ni Cirilo.
Ang mananaig sa pagitan ng 37-anyos na si Peñalosa at 34-anyos na si Morel ang siyang hahamon kay Mexican Fernando Montiel para sa suot nitong World Boxing Organization (WBO) bantamweight crown.
Si Peñalosa ang dating nagmamay-ari sa WBO bantamweight title matapos itong agawin kay Mexican Jhonny Gonzales via seventh-round KO noong Agosto ng 2007.
Binakante ni Peñalosa ang kanyang WBO bantamweight belt para hamunin si Puerto Rican Juan Manuel Lopez para sa hawak nitong WBO super bantamweight title noong Abril 25, 2009 kung saan isinuko ni trainer Freddie Roach ang laban sa tenth-round.
Kumpiyansa si Cirilo na tatalunin ni Morel si Peñalosa upang maitakda ang kanilang laban ni Montiel.
“Eric has the mentality that nobody is going to stop him from being a champion again,” ani Cirilo kay Morel, may 41-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 21 KOs kumpara sa 54-7-2 (36 KOs) ni Peñalosa. (RC)
- Latest
- Trending