Pinay boxers dinomina ang boxing; naka-3 golds
VIENTIANE, Laos –Tatlong beses umalingawngaw ang Pambansang Awit sa loob ng Olympasia gymanasium at tatlong beses ding nangililabot ang mangilan ngilang Pinoy na nanood sa pagtaas ng Pambasang bandila sa women’s boxing event ng 25th Southeast Asian Games dito.
Ang tatlong Pinay na dahilan ng pagkanta ng tatlong beses ng ‘Lupang Hinirang’ ay sina Josie Gabuco, Alice Kate Aparri at Annie Albania na inilaglag ang kanilang mga kalaban upang idagdag ang 3 kumikinang na gintong medalya sa produksyon ng Team Philippines dito sa biennial meet.
Unang umakyat ng ring si Gabuco.
Pero hindi naging madali para sa Pinay na malusutan ang kalabang Vietnamese na si Nguyen Thi Hoa nang matapos ang unang tatlong rounds at nagtabla ang iskor sa 4-all.
Dito umigkas ang right straight ni Gabuco na sinundan ng left hook upang umabante sa 6-4 ngunit hindi sumuko ang Vietnamese nang makaganti ito,6-5 bago tuluyang maitakas ng Pinay ang panalo.
Sumunod namang umakyat si Aparri para labanan ang Laotian na si Milvady Hongfa at walisin ang haka-haka sa posibleng hometown decision nang sunod-sunod na atake ang ginawa ng tubong Baguio City na nagpadugo sa ilong ng kalaban para ilista ang 15-4 panalo.
Huling pumagitna si Albania, ngunit wala nang excitement nang bugbugin nito ang Indon na kalaban na si Indri Sambaiman para itala ang 6-0 RSC-O panalo
Sasalang sa ring sina Bill Vicera, Charly Suarez at Harry Tanamor ngayong alas-2 ng hapon (alas-3 sa Manila). (Dina Marie Villena)
- Latest
- Trending