MANILA, Philippines - Ang pagbawi sa dati niyang suot na world boxing crown.
Ito ang plano ni Gerry “Fearless” Peñalosa kaugnay sa kanyang pakikipagtagpo kay Eric “Little Hands of Stone” Morel para sa isang title eliminator sa Pebrero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton sa Nevada.
Ang mananalo sa pagitan nina Peñalosa at Morel ang siyang hahamon kay World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion Fernando Montiel ng Mexico.
Ang WBO bantamweight title ay nauna nang inangkin ng 37-anyos na si Peñalosa matapos umiskor ng isang seventh-round KO kay Mexican Jhonny Gonzales noong Agosto 11, 2007 sa Sacramento, California.
Binitawan ni Peñalosa ang nasabing korona nang hamunin si Puerto Rican Juan Manuel Lopez para sa suot nitong WBO super bantamweight belt noong Abril 25 kung saan isinuko ni trainer Freddie Roach ang laban sa tenth-round.
Bukod sa WBO bantamweight class, pinagharian na rin ni Peñalosa ang World Boxing Council (WBC) super flyweight division noong 1997 na nagtampok sa kanyang panalo kay Japanese Hiroshi Kawashima.
Kasalukuyang ibinabandera ng tubong San Carlos City, Cebu ang 54-7-2 win-loss-draw ring rekord kasama ang 36 KOs. (RC)