Vientiane, Laos--Dalawang ginto sa golf, dalawa din sa 8-ball billiards, isa sa athletics at isa sa muay ang naging produksiyon ng Team Philippines sa kanilang maigting na kampanya sa 25th Southeast Asian Games dito.
Linggo pa lamang ay nakasiguro na ng gold medal si Ronnie Alcano sa 8-ball billiards nang magtagpo sila ni Gandy Valle sa all-Pinoy finals ng naturang event na ginaganap sa Don Chan Palace na inilaro kahapon. Dinaig ni dating world champion Alcano ang kababayang si Valle, 7-1.
Ilang oras lamang ang nakakalipas, tinumbok naman ni Rubilen Amit ang ikalawang ginto ng billiards makaraang sarguhin ang kalabang si Angeline Ticoal ng Indonesia, 5-1.
Ngunit higit na tumataginting ang ginto na nagmula kay Chihri Ikeda nang hatakin niya ang women’s golf team sa gintong medalyang pagtatapos sa Booyong SEA Games Golf Club.
Kapwa tabla na nagtapos ng two-under par 70 sina Ikeda at Dottie Ardina para sa naipon nilang 140 kabuuan sa araw at 425 matapos ang 54 holes upang daigin ang 2007 champion Thailand ng tatlong strokes.
Ang ikatlong miyembro ng team, si Mia Piccio ay pumalo ng par 72 pero hindi na ibinilang sa three-to-play two-to-count format ng torneo.
Nakuntento naman sa bronze ang men’s team nina Mark Fernando, Tonton Asistio, Jhonnel Ababa at Jude Eustaquio.
Itinakbo naman ni Rene Herrera ang ginto sa 3,000m steeplechase sa kanyang inilistang 9:11.20 oras para sa ikaapat na ginto ng bansa.
Humabol naman ng ginto si muay artist Zaidi Laruan na nanaig sa kanyang kalaban na si Vixay Bounthavy ng Laos sa lgithweight finals.
“Thjis is very good news and our remaining athletes should take heart from their compatriots achievement,” ayon sa text message ni Philippine Sports Commission chairman Harry Angping.
Silver lang din ang naiambag ng tambalang Jaime Asok at Ryan Fabriga sa 10m platform synchronized diving sa likod ng gold nina Husaini Noor at Muhammad Nasrullah ng Indonesia habang bronze naman sina Satit Tommaoros at Suchart Pichi.
Samantala, hindi pa man nagsisimula, isang matinding dagok ang nalasap ng Filipino judokas sa panimula ng kanilang kampanya sa 25th Southeast Asian Games na gaganapin sa Budo Centre ng Chao Anouvong Gymnasium dito.
Pinigilan si Fil-Japanese Tomohiko Hoshina na su mabak sa heavyweight class nang matuklasan ng mga organizer na ang Philippine passport nito ay nakatakdang mapaso sa susunod na anim na buwan.
Isang malaking dagok ito para sa kampanya ng bansa kung saan isa si Hoshina sa pinakamaningning na pag-asa ng bansa sa gold kasama sina Karen Solomon (-70kg) Nancy Quillotes (-45kg), Gilbert Ramirez (-73kg) at ang hindi tumatandang si John Baylon (-81), na umaasinta ng kanyang ikasiyam na gintong medalya sa SEAGames.
“He could have easily delivered a gold medal for us,” pahayag ni Philippine Judo Federation president Dave Carter. “He didn’t inform us that his (Philippine) passport will expire in June. It was a very big blow to our campaign.”
Samantala, silver medal lamang ang nabuhat ni heavyweight Joselito Padilla at bronze kay Renante Briones para sa kampanya ng mga batang weightlifters matapos ang apat na araw ng kompetisyon.
“Parang exposure na rin ito at ‘yung mga natutunan namin dito can be used for the future,” wika ni Edmundo Cardano, team manager-cum-coach ng seven-member team.“Let’s admit it, very green pa ang karamihan sa mga ito and they really need competitions like this para mas maraming matutunan sila,” dagdag pa niya.