Lipad, Flying A, lipad!

Hindi na siguro inaasahan ng karamihan na makikita pang maglaro ulit si Johnny Abarrientos sa 35th season ng Philippine Basketball Association.

Kulang na lang kasi na pormal na magretiro at para­ngalan ang manlalarong tinaguriang “Flying” A matapos na isang game lang ang laruin nito para sa Barangay Gi­nebra noong nakaraang season. Sa larong iyon, si Abar­rientos ay gumawa ng walong puntos at dalawang assists sa 13 minuto.

Bago iyon, si Abarrientos ay naglaro ng limang games para sa Gin Kings sa 2006-07 season kung saan nagtala siya ng walong puntos, isang rebound at limang assist sa 33 minuto.

Noong isang taon ay naging bahagi na lamang si Abar­rientos ng coaching staff ng Gin Kings at okay na­man iyon dahil sa na­tutulungan niya ang ibang point guards ng koponan. Mara­ming pointguards ang Gin Kings noong nakaraang season dahil bukod kay Jayjay Helterbrand ay nandoon sina Paul Artadi, Chris Pacana, Macky Escalona at Chico Lanete.

So, kahit paano’y hindi na rin kinailangan ng Barangay Gi­ne­bra ang serbisyo ni Abarrientos bilang manlalaro.

Hindi na rin kataka-takang magretiro si Abarrientos dahillahat halos ng kanyang mga kasabay ay pawang retirado na. Hindi na naglalaro sina Zandro Limpot at Victor Pablo na si­yang pinili bilang No. 1 at No. 2 sa 1993 Draft. Si Abarrientos ay third pick overall sa taong iyon at kinuha ng Alaska Milk.

Si Abarrientos ay nagwagi bilang Most Valuable Player ng PBA noong 1996 nang tulungan niya ang Aces na makakumpleto ng Grand Slam.

Ang buong akala ng karamihan ay sa Alaska Milk na mag­reretiro si Abarrientos subalit nagulat ang mga sumusubaybay sa PBA nang ipamigay siya ng Aces sa Pop Cola noong 20­01. At pagkatapos ng apat na seasons ay napunta siya sa Ba­ran­gay Ginebra at naging bahagi ng team na nagkampeon sa Phi­lippine Cup.

So, wala na talagang patutunayan pa si Abarrientos sa PBA dahil marami na siyang kampeonatong napanalunan at naging MVP na siya. Siya rin ang all-time leader sa assists. Kumbaga’y okay na sa kanya na na­ging ba­hagi na lamang ng coaching staff ng Gin Kings.

Pero biglang-bigla’y kinailangan na namang isuot ni Abarrientos ang jersey No. 14 ng Gin Kings nang malagasan sila ng point guards. Nagtamo kasi ng injury ang reigning MVP na si Helterbrand at manipis ang guard rotation ng Barangay Ginebra sa kasalukuyan. Wala na sa kanilang poder sina Artadi, Lanete, Pacana at Escalona. Pumalit sa kanila sina Celino Cruz at rookie Kevin White. E, na-injured pa ang daliri ni Cruz.

So, forced to good si Abarrientos na maglaro. At sa kasalukuyang 2009 PBA Philippine Cup, si Abarrientos ay nakapaglaro na sa anim na games. Napantayan na niya ang bilang ng games na nilaro niya sa huling dalawang sea­sons. At papalakas pa si Abarrientos na tila baguhan siya at kaya niyang kumpletuhin ang season.

Aba’y kahit na ano siguro ang mangyari, si Abarrientos na ang magiging “Comeback Player of the Year.”

***

HAPPY birthday kay Beth Celis na nagdiriwang ngayon, December 14. Belated gree­tings kay Noel Zarate na nagdiwang kahapon, Dec. 13.

Show comments