Darchinyan, Donaire rematch may posibilidad na
MANILA, Philippines - Posible na nga bang maitakda ang pinakahihintay na rematch nina Filipino Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. at Armenian Vic “The Raging Bull” Darchinyan?
Matapos umiskor ng isang second-round KO kay Mexican challenger Tomas Rojas kahapon, tinawag ni Darchinyan ang pansin ni Donaire para sa kanilang muling paghaharap sa ibabaw ng lona.
Ayon kay Darchinyan, gusto niyang makaganti kay Donaire na umagaw sa dati niyang suot na International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) flyweight titles via fifth-round TKO noong Hulyo 7, 2007.
At handa naman ang bagong World Boxing Association (WBA) interim super flyweight titlist na si Donaire kay Darchinyan.
“I’ve been waiting for that fight. I’m here and I hope he’s got enough confidence for him to step up into the ring with me again,” wika ni Donaire kay Darchinyan.
Matagumpay na naidepensa ng 33-anyos na si Darchinyan ang kanyang hawak na WBA at World Boxing Council (WBC) super flyweight crowns mula sa panalo kay Rojas.
Kasalukuyang tangan ni Donaire ang 22-1-0 win-loss-draw ring record kasama ang 14 KOs bago labanan si Mexican Gerson Guerrero (34-8-0, 26 KO’s) sa “Pinoy Power III” ng Top Rank Promotions sa Pebero 13, 2010 sa Las Vegas Hilton. (RCadayona)
- Latest
- Trending