MANILA, Philippines - Nakaahon din sa wakas ang Coca-Cola sa kanilang miserableng kampanya matapos makatikim ng panalo nang kanilang pasadsarin ang Burger King, 106-90 sa pag-usad ng KFC PBA Philippine Cup na nagpatuloy sa Araneta Coliseum kagabi.
Sumandal ang Tigers kina Larry Rodriguez, Alex Cabagnot at ang nagbabalik pa lamang na si Asi Taulava upang makabangon ang kulelat na Coke mula sa walong na sunod na talo upang iangat ang kanilang record sa 2-10 bagamat nasa ilalim pa rin sila ng overall team standings habang bumagsak naman ang Burger King sa 4-9 kartada.
Hindi hinayaan ng Tigers na magtagumpay ang dalawang malaking paghahabol ng Burger King.
Kumawala ang Coca-Cola sa second half nang kanilang iposte ang 19-puntos na kalamangan na nagsilbing puhunan ng Tigers sa kanilang tagumpay.
Buhat sa 69-50 bentahe ng Coke matapos ang basket ni Ricky Calimag naidikit lamang ng Burger King sa walong puntos ang kanilang agwat, 69-77 mula sa walong sunod na puntos ni Lanete. muling lumayo ng 18-puntos ang Tigers, 91-73 matapos buksan ang fourth quarter sa 9-0 salvo at sa muling paghahabol ng Burger King nakalapit sila sa lamang sa 88-77 ngunit sa tulong ni Taulava naglaro ng kanyang ikalawang game matapos ang matagal na panahong pagkawala, muling dumistansiya ang Tigers tungo sa tagumpay.
Nanguna si Rodriguez sa team sa kanyang 21-puntos ngunit si Cabagnot ang nagpamalas ng impresibong laro sa kanyang 18-points, 7-rebounds at 12-assist kasunod sina Mark Macapagal na may 16-puntos at R.J. Rizada na na may 14.
Habang sinusulat ang balitang ito, naglalaban pa ang Purefoods at San Miguel Beer bilang tampok na laro.
Hangad ng Purefoods na makakalas sa three-way logjam kung saan kasalo nila ang Ginebra at defending champion Talk N Text sa 8-4 win loss record laban sa Beermen.