VIENTIANE--Nagsisimula na sa kanilang laban ang GTK Army nang sa unang araw ng aksiyon sa athletics ay dalawang gintong medalya agad ang sinunggaban.
Umagaw rin ng eksena ang Pinoy swimmers sa katauhan nina Daniel Coakley at Ryan Arabejo matapos na lumangoy ng record-breaking upang patingkarin ang apat na medalyang gintong nasikwat ng Team Philippines.
At sa mismong araw ng kanyang ika-20th kaarawan, nagsumite ang Olympian na si Coakley ng tiyempong 22.62 sa 50m freestyle na mas mababa ng 2.69 sa kanyang dating marka, habang nagposte naman si Arabejo ng 15:37.75 sa 1,500m freestyle na mas mababa sa nailistang marka ni Thorap Susethopon ng Thailand noong 1995.
At sa kabuuan ang Pilipinas ay kumubra na ng 12 ginto, 16 pilak at 19 tanso na sapat lang para sa ikaanim na puwesto.
Sa ikatlong sunod na edisyon, bumato ng record-breaking si Airman Arneil Ferrera habang hindi naman nagpahuli si Rosei Villarito para sa kampanya ng bansa sa kalagitnaan ng palaro ng 25th Southeast Asian Games dito.
Bumato ng 61.62 meters ang 28 anyos na si Ferrera sa hammer throw event na ginanap sa Main Stadium ng National Sports Complex.
Makalipas ang isang oras, naghagis naman ng 49.69m si Villarito sa Javelin Throw para sa ikalawang ginto ng athletics..
Hindi man ginto, nag-ambag naman ng silver si triple jumper Joebert Delicano sa tinakbong oras na 14:59.85 sa 5,000m na pinagwagian ni Ong Kaing ng Myanmar.
Nagdive naman ng silver medal ang tambalang Nino Carong at Zardo Domenios sa 3m springboard (synchronized) sa kanilang 366.96 points na napagwagian naman ng Malaysian team nina Bryan Nickson at Ken Nee Yeoh at bronze sa Indon team nina Noor Husaini at Jam Jami Akhmad.
Samantala, nanakaseguro na rin ng gintong medalya ang billiard sa 8-ball single matapos pumasok sa finals.