Calderon gigil nang makaharap si Viloria
MANILA, Philippines - Ang pinakahihintay niyang unification fight kay Brian “The Hawaiian Punch” Viloria ang itinuturing ni Puerto Rican world light flyweight champion Ivan “The Iron Boy” Calderon na isang malaking laban sa kanyang career.
Umaasa ang 35-anyos na si Calderon na maitatakda na ang kanilang salpukan ng 29-anyos na si Viloria.
“I want that mega fight and it could happen with Brian Viloria in March of 2010 should he be successful in his next bout,” wika ni Calderon, ang kasalukuyang World Boxing Organization (WBO) light flyweight champion.
Nakatakda namang idepensa ni Viloria ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown laban kay Colombian challenger Carlos Tamara sa Enero 23, 2010 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Sakaling maging matagumpay ang ikalawang sunod na title defense ni Viloria, sinabi ni Calderon na maaaring maitakda ang kanilang unification fight alinman sa Puerto Rico o Hawaii.
“Nothing is finalized but it’s in discussion,” ani Calderon. “What we’re trying to do is a possible two fight deal with one fight being in Hawaii and the other in Puerto Rico.”
Ang IBF light flyweight belt ay inagaw ni Viloria kay Mexican “Ulises “Archie” Solis via eleventh-round KO noong Abril 19 sa Araneta Coliseum.
Dalawang beses namang nakatakas si Calderon kay Rodel Mayol, ang bagong World Boxing Council (WBC) light flyweight titlist matapos talunin si Mexican Edgar Sosa via second-round TKO, sa pagtatanggol sa kanyang hawak na WBO title.
Tangan ni Viloria ang 26-2-0 win-loss-draw ring record kasama ang 15 KOs kumpara sa 33-0-1 (6 KOs) ni Calderon. (Russell Cadayona)
- Latest
- Trending