Sino ang tatanghaling kampeon sa PCCL?
MANILA, Philippines - Itutuloy ang laban, madedetermina na ang mas mahusay na koponan sa pamamagitan ng paghaharap ng reigning back-to-back UAAP champion Ateneo at Far Eastern U para sa titulo ng Philippine Collegiate Champions League na gaganapin sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
Naitulak ang sudden death match, humugot ng lakas ang Eagles sa makapangyarihang atake ni Nico Salva upang pumalit kay reigning UAAP finals MVP Rabeh Al Hussaini nang durugin ang Tams, 90-63, noong Huwebes at buhayin ang pag-asang masilo ang kampeonato sa pakikipagtagisan nito sa Game 3 na matutunghayan sa ganap na alas-3:30 ng hapon.
Ngunit, uhaw sa panalo, pursigido ang FEU na makaresbak at muling makuha ang tagumpay buhat nang lumamang ito sa series opener, 75-70 mula sa matikas na galaw ni rookie guard RR Garcia.
Sa Game 2, naging masigasig ang Eagles kung kaya’t napataob nito ang kalaban at ang ginamit na sandata sa Tams ay ang maigting na depensa.
Ginanahan sa pagtipa ng puntos, kumonekta si Salva ng 26 points kabilang ang 13 points produksyon sa 1st half na naging susi sa kani-lang panalo. (SNFrancisco)
- Latest
- Trending