Reyes, Bustamante talsik na
VIENTIANE--Maging ang mga world champion ay may masamang araw din.
Kahapon, tila namalikmata, lumasap ng matinding 7-4 na kabiguan ang magkumpareng Efren ‘Bata’ Reyes at Frtancisco ‘Django’ Bustamante sa kamay ng Thailand at naglaho ang tsansa sa gintong medalya sa billiards and snooker 9-ball doubles ng 25th Southeast Asian Games dito.
Paborito at iniidolo sa larong ito makaraang masungkit ang World Cup of Pool Champonship sa Manila, wala sa tamang daan ang dalawang pambato ng Pilipinas nang sa simula pa lamang ay tanggapin ang 0-3 deficit kontra sa Thai pair nina Nitiwat Kanjanasri at Surathep Phoochalam sa kanilang quarterfinal match sa Convention Hall ng Don Chan Palace.
Bagamat nakabangon at naitabla ang laban sa 4-4, hindi na muling sumargo ang dalawa nang walisin ng Thais ang huling tatlong racks kabilang na ang mahusay na tira sa 9-ball para sa kapana-panabik na panalo.
At ang kabiguan ng dalawa ay nag-iwan kina dating world champions Ronnie Alcano, Alex Pagulayan at reigning world 10-ball titlist Rubilen Amit ng mabigat na trabaho para sa Pinoy pool team.
Nabigo din ang tambalang Reynaldo Grandea at Warren Kiamco sa English billiard double kina 3-0 Thai Praprut Chaithanasakun at Thawat Sujaritthurakan, 3-0. (DMVillena)
- Latest
- Trending